Kontra human trafficking FACIAL RECOGNITION CAMERA, BARCODE GAGAMITIN SA NAIA

SA hangaring tuluyang wakasan ang human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), napagpasyahan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na gumamit ng makabagong teknolohiyang kalakip ng facial recognition camera ar barcode sa lahat ng pasaherong papasok at lalabas ng paliparan.

Ayon kay MIAA general manager Cesar Tiong, partikular pupuntiryahin ng kanyang ahensya ang mga pasaherong gumagamit ng mga pekeng dokumento – tulad ng boarding at access pass, ID at immigration stamps para makalusot.

Buwan ng Nobyembre nang maganap ang dikit-dikit na insidente ng human trafficking kabilang ang mga Pinoy na patungo sana sa bansang Myanmar na unang nabalitang pinagdadalhan ng mga Pilipinong nare-recruit ng isang sindikatong pinapatakbo ng mga Tsino.

Kasabay nito, ikinasa na rin si Chiong ng isang malalimang imbestigasyon sa hanay ng mga kawani ng ahensyang pinamumunuan, kasabay ng pagtitiyak na sasampahan ng patong-patong na kasong kriminal at administratibo ang sinumang MIAA personnel na madadawit sa kontrobersiya.

Base sa mga unang pahayag ng Bureau of Immigration (BI), kabilang sa mga sinisilip ang posibleng pakikipagsabwatan ng mga Immigration personnel na nakatalaga sa NAIA. Kabilang rin sa mga pakay ng pagsisiyasat ang mga security guards sa naturang paliparan.

Sa kaugnay na balita, kinondena ng ilang pasahero ang pamunuan ng BI na anila’y wala man lang naging tugon sa talamak na katiwalian ng mga kawaning nakabase sa NAIA. Anila, hindi kailanman masusupil ang korapsyon at human trafficking sa NAIA hanggat hindi nilalapatan ng angkop na kastigo ang mga hindi tinukoy na empleyado. (FROILAN MORALLOS)

37

Related posts

Leave a Comment