HINARANG ng Immigration agent at hindi pinayagang makasakay sa kanyang flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Korean national na nagpanggap bilang Filipino, at gumagamit ng bogus na Philippine passport.
Ayon sa report, na-intercept ang suspek noong Lunes habang naghihintay sa kanyang Philippine airlines (PAL) flight papuntang Phnom Penh, Cambodia.
Ayon kay BI Intelligence chief Fortunato Manahan Jr., nagkunwari ang suspek bilang isang Filipino, ngunit hindi makasagot ng basic questions sa Filipino dialect pagdaan sa primary inspection.
Naging dahilan ito upang i-refer o ipadaan sa secondary inspection nang sa gayon maisalang sa masusing pagsusuri ang ‘authenticity’ ng kanyang travel documents.
At sa nangyaring ‘question and answer portion’ ng mga tauhan ng BI sa secondary inspection, inamin nito na nakuha niya ang kanyang Philippine passport sa tulong ng kapwang Korean national.
Pansamantalang nakakulong ang suspek sa BI detention center, habang inihahanda ang kaso hinggil sa paglabag ng Immigration laws. (FROILAN MORALLOS)
120