KOREANONG WANTED SA MURDER, TELCO FRAUD TIMBOG SA BI

NAKATAKDANG ipatapon ng Bureau of Immigration (BI) sa sarili niyang bansa ang isang South Korean fugitive na wanted ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa kasong murder at telecommunications fraud.

Sa report kay Immigration Commissioner Jaime Morente ng BI’s Fugitive Search Unit (FSU), kinilala ang suspek na si Jang Youngjin, 38, naaresto noong Biyernes sa kanyang bahay sa Cubao, Quezon City.

Si Jang ay nakakulong na sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang kanyang deportasyon pabalik sa kanilang bansa.

Ayon kay BI-FSU chief, Rendel Ryan Sy, si Jang ay pakay ng red notice mula sa Interpol at arrest warrant na inisyu ng Cheongju District Court sa Korea na may kinalaman sa murder case.

Nag-ugat ang nasabing kaso mula sa insidente sa Parañaque City noong Enero 16, 2022 na si Jang ay nanakit ng kapwa niya Koreano matapos na magkaroon ng pagtatalo ang dalawa na nagresulta ng pagpatay sa kanyang kababayan.

Nabatid pa kay Sy, ang isa pang warrant of arrest na inisyu laban kay Jang ng Seoul Central District Court ay hinggil sa kinasangkutan nitong telecom fraud syndicate na nag-o-operate sa China.

Ang syndicate members ay nangangalap ng magtatrabaho sa voice phishing na aatasang tumawag sa kanilang mga biktima sa Korea. Umabot umano sa mahigit sa 63 million won o P 2.6 milyon ang nakulimbat ng sindikato mula sa kanilang mga kababayan. (JOEL O. AMONGO)

84

Related posts

Leave a Comment