LALAKI PATAY, 2 SUGATAN SA SUV

PATAY ang isang lalaki habang dalawa ang sugatan nang masalpok ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Malabon City.

Agad nalagutan ng hininga si Roland Campaan, 47, ng Barangay Muzon, ng lungsod, habang sugatan sina John Robert Victorio, 33, at Wilmar Ballentos, 28, kapwa residente din ng siyudad.

Nabatid, minamaneho ni Michael Kakutomo, 35, ng Parañaque City, ang isang Ford Territory sa east lane ng Gov. Pascual Ave., Brgy. Tinajeros dakong alas-6:30 ng umaga noong Linggo, Nobyembre 13, nang mawalan siya ng kontrol sa sasakyan at natumbok si Campaan na naglalakad sa kalsada.

Patay agad si Campaan dahil sa pinsala sa ulo, habang lumipat sa kabilang linya ang SUV at sumalpok sa isang jeep na sinasakyan ni Ballentos bago nahagip si Victorio na naglalakad din sa kalye, saka nakasagi ng dalawang motorsiklo at isang bisikleta.

Itinakbo ang mga dalawang sugatan sa Tondo Medical Center para malapatan ng lunas, habang si Kakutomo ay isinailalim sa kustodiya ng pulisya at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and multiple damages to property. (ALAIN AJERO/FRANCIS SORIANO)

29

Related posts

Leave a Comment