PAMPANGA – Patay ang isang lalaki makaraang tagain ng palakol ng kanyang kasamahan sa relihiyon, habang nagdarasal sa kanilang chapel sa Brgy. Sampaloc, sa bayan ng Apalit sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Franklin Quiamba, nasa hustong gulang, at kasapi ng isang sekta sa kanilang lugar.
Ayon sa report ng Apalit police, nagdaraos ng pista ng pasasalamat ang mga miyembro ng simbahan ngunit habang nagdarasal ang biktima nang lumapit umano ang suspek na si Fernando Llangco Gapuz, 56, residente ng Valenzuela City, at biglang inundayan ito ng taga ng palakol.
Isinugod sa Pampanga Premier Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Ayon pa sa mga awtoridad, isinilid ng suspek ang palakol sa isang badminton sports bag kaya naipasok ito sa chapel.
Sa pagsisiyasat pa ng pulisya, sinabi umano ng suspek na may bumubulong sa kanya na nag-uutos na patayin ang isa sa kanilang mga miyembro.
Inaalam pa ng pulisya ang estado ng mental health ng suspek na sinampahan ng kasong murder at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa pagdadala ng patalim.
(NILOU DEL CARMEN)
373