Lantad sa korupsyon at hindi pinag-isipan ni Marcos Jr. MAHARLIKA FUND KINALADKAD SA SC

(DANG SAMSON-GARCIA)

BUKOD sa minadaling proseso, iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na maituturing din na unconstitutional ang probisyon sa Maharlika Investment Fund Act na pinapayagang gamitin sa pondo ang dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ito anya ang isa sa kanilang argumento sa inihaing petisyon sa Korte Suprema na naglalayong ideklarang unconstitutional ang Republic Act 11954 o ang Maharlika Investment Fund Act.

Sinabi ni Pimentel na sinira ng batas ang independence ng BSP dahil inobliga itong maglagak ng investment fund sa Mahalika Investment Corporation.

Kabilang din sa argumento sa petisyon nila sa Korte Suprema ang nauna na ring pagkwestyon ni Pimentel sa magkaibang kopya ng batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at inaprubahan ng Senado sa 3rd and final reading.

Idinagdag ni Pimentel na kasama rin sa kinukuwestyon nila sa petisyon ang inisyung Presidential certification sa pagtalakay sa Maharlika gayung wala namang emergency situation na tinutugunan.

Katunayan, mismong ang administrasyon ang umamin na mararamdaman ang epekto ng batas sa susunod pang limang taon.

Umaasa naman si Pimentel na magsasagawa ng oral arguments ang Supreme Court upang malaman ng publiko ang bawat argumento at detalye ng batas.

Kabilang sa naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang grupong Bayan Muna para hilingin na ideklarang unconstitutional at void ang Maharlika Investment Fund.

Kaugnay nito, nanawagan si Pimentel sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) na magdahan-dahan sa pag-iisyu ng presidential certification sa mga panukalang batas.

Sa pagdinig sa panukalang 2024 budget ng PLLO, iginiit ni Pimentel na dapat matiyak na hindi naabuso ang kapangyarihang ito ng ehekutibo.

Binigyang-diin ni Pimentel na bagamat kapangyarihan ng Pangulo na mag-certify ng isang panukala bilang urgent, dapat itong gawin sa panahon lamang ng kalamidad o emergency.

282

Related posts

Leave a Comment