LAPID CASE CLOSED PERO IMBESTIGASYON TULOY PA – POLICE

NALUTAS na para sa Southern Police District (SPD) ang kaso ng brutal na pagpatay sa veteran broadcaster na si Percy Lapid.

Sa radio interview kahapon, sinabi ni SPD director Police Brigadier General Kirby John Kraft na nalutas na nila ang kaso dahil natukoy, nahuli at nakasuhan na ang mga suspek sa krimen.
Sa kabila nito aniya, ipinagpapatuloy pa nila ang imbestigasyon sa kaso para matukoy ang mastermind.

Bahagi ng imbestigasyon ng mga awtoridad ang pag-review sa radio program ni Lapid mula 2021 hanggang 2022.

Nakipag-ugnayan na rin umano sila sa ama ng sinasabing unang middleman, na namatay sa New Bilibid Prison dahil sa heart hemorrhage, at siyang nagplano umano ng pagpatay kay Lapid sa Las Piñas City noong October 3.

Samantala, hindi umano nakitaan ng external injuries ang itinuturong middleman na si Jun Globa Villamor.

Kamakalawa ay inilabas ng Department of Justice (DOJ) ang dokumento sa initial findings ng autopsy ng Task Force Villamor sa labi ng sinasabing middleman.

Sa dokumentong pirmado ng Medico Legal Officer na si Dra. Marivic Villarin Floro, lumalabas na walang external injuries si Villamor, negatibo rin siya sa COVID-19 at paraffin test.

Lumalabas din na nagkaroon ito ng problema sa kanyang puso noon.

Kaugnay nito, umapela sa publiko ang kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa para sa pagsasagawa ng hiwalay na autopsy sa labi ni Villamor para sa mabilis na pag-usad ng imbestigasyon.

Si Villamor ay sinasabing namatay sa New Bilibid Prisons Hospital ilang oras matapos ipresenta ng mga awtoridad ang self-confessed gunman na si Joel Escorial.

Sa ngayon, binabantayan na umano ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang seguridad ng ikalawang middleman na kinilalang si Christopher Bacoto.

Sagabal Sa Imbestigasyon

Ayon sa Special Investigation Task Group, aalamin nila kung sino ang nagbayad o nagdedeposito ng pera sa bangko ni Escorial.

Gayunman, balakid umano sa kanila sa pagtukoy sa mastermind o pagkakakilanlan ng depositors ang umiiral na Bank Secrecy Law.

Nauna nang sinabi ni Escorial na handa siyang makipagtulungan upang matukoy kung sino ang nagdeposito sa kanyang bank account ng kabayaran sa pagpatay kay Lapid.

Ayon kay PBgen Kraft, pinag-aaralan na rin nila ang pagkuha ng mga CCTV footage mula sa mga banko o ATM machines para matukoy kung talagang si Escorial ang gumagawa ng withdrawals base sa kanyang statement of account o bank records. (JESSE KABEL)

12

Related posts

Leave a Comment