LEAVE EXTENSION NI TEVES IBINASURA NI SPEAKER ROMUALDEZ

KINUMPIRMA mismo ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na hindi niya pinagbigyan ang kahilingan ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves na mabigyan siya ng isang linggong leave extension kasunod nang pag-expired ng kanyang travel authority noong Marso 9.

Napaulat na si Teves, na ang pangalan ay nakakaladkad sa brutal na pagpatay kay Negros Oriental Gov. Ruel Degamo at siyam na iba pa noong nakaraang linggo, ay nasa Estados Unidos.

“Rep. Arnie Teves has asked for a leave extension but I advised him to come back the country as soon as possible,” ayon kay Speaker Romualdez.

Nangangahulugan aniya ito na ang biyahe sa labas ng bansa ni Teves na lampas sa Marso 9, ay hindi na otorisado ng House of Representatives at ang tanging opsiyon nito ay umuwi na lamang ng bansa.

“His travel outside the country beyond March 9 is no longer authorized by the House of Representatives. Therefore, his only option is to come home,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara de Representantes.

Naniniwala rin si Speaker Romualdez na mas makabubuting umuwi si Teves at harapin ang pagkakadawit ng kanilang pamilya sa pagpatay kay Degamo.

“Makabubuti na ring umuwi na si Cong. Arnie para harapin ang pagkakadawit ng pangalan ng kanilang pamilya sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo,” aniya pa.

Binigyang-diin niya na nais ng lahat na marinig ang kanyang panig dahil bukod kay Degamo, ay maraming buhay ang nawala dahil sa karumal-dumal na krimen.

“We all want to hear his side of the story. Maraming buhay ang nawala maliban kay Gov. Degamo,” pahayag pa ng mambabatas mula sa Leyte.

Tiniyak rin naman ng House Speaker na hindi titigil ang pamahalaan upang kilalanin at panagutin ang mga taong nasa likod ng naturang krimen.

“Umamin na ang mga nahuling salarin sa partisipasyon nila sa krimen at hindi titigil ang pamahalaan para kilalanin at panagutin ang mga nasa likod ng brutal na krimeng ito,” paniniguro pa niya.

287

Related posts

Leave a Comment