LIGTAS NA F2F CLASSES PINATITIYAK

PINATITIYAK ni Senate Committee on Health and Demography chairman Christopher ‘Bong’ Go ang pagpapatupad ng nararapat na mga hakbangin at polisiya upang matiyak ang ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes simula sa Nobyembre.

“Suportado ko ang desisyon ng ehekutibo at tiwala ako sa kakayahan nilang ipatupad ito nang maayos. Gayunpaman, muli akong nananawagan sa pamahalaan at sa mga school authorities na tiyakin ang kalusugan at kapakanan ng ating mga estudyante sa kanilang pagbabalik sa mga silid-aralan,” apela ni Go.

“Bilang Chair ng Senate Committee on Health at miyembro ng Senate Committee on Basic Education, bagaman po at nararanasan na natin ngayon ang bahagyang pagbaba ng bilang ng mga tinatamaan ng Covid19 at marami na sa sektor ng ekonomiya ang nagbabalik sa kanilang normal na operasyon, napakahalaga na mapangalagaan ang buhay ng lahat ng Pilipino, at makontina ang panganib na dala ng pandemya lalo na sa ating mga kabataan,” dagdag nito.

Iginiit ni Go na kailangang manatiling vigilante ang mga estudyante, guro at school officials sa paglaban sa virus lalo pa’t may mga bagong COVID 19 variants.

Aminado naman ang senador na malaking tulong ang physical classes upang maging produktibo at mas matuto ang mga bata.

“Bilang isang magulang din, prayoridad ko ang proteksyunan ang mga bata. Unang-una, hindi maikakaila na mayroon pa ring mga hindi pa bakunado. Pangalawa, hindi natin kontrolado ‘yung galaw nila, at pangatlo, baka mag-back to zero na naman tayo kung sakaling magkahawahan na naman,” diin ni Go.

Pinaalalahanan pa ni Go ang school authorities na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng health and safety protocols.

“Proteksyunan natin ang kabataang Pilipino. Sila ang pag-asa ng ating bayan at ng mga susunod pa nating henerasyon. Bukod sa tamang edukasyon na magiging puhunan nila sa buhay, magtulungan din tayo para mabigyan sila ng mas ligtas at komportableng buhay sa hinaharap,” giit ni Go. (Dang Samson-Garcia)

9

Related posts

Leave a Comment