Lingig, Surigao Del Sur mayor at team, namangha ‘BEST PRACTICES’ NG LAS PIÑAS LGU HINANGAAN

NAGPAABOT ng taos-pusong pasasalamat ang Las Piñas City Government kay Lingig, Surigao del Sur Mayor Elmer Evangelio at mga miyembro ng kanyang administrasyon dahil sa pagpili sa lungsod bilang halimbawa at pag-adopt sa pinakamagagandang gawaing ipinatutupad para sa isang progresibong siyudad.

Kasama ni Mayor Evangelio ang kanyang department heads sa pagbisita sa Las Piñas na labis na namangha sa mainit na pagtanggap at mabuting pakikitungo sa kanila ni City Mayor Imelda Aguilar at Vice-Mayor April Aguilar.

Sa isinagawang ‘benchmarking’ o pamantayan ng pagsusukat at paghahambing sa The Excelsior Hotel nitong Biyernes, Setyembre 23, iprinisinta ng lokal na pamahalaan ang apat na Ks ng lungsod (Kalusugan, Kalinisan, Kaayusan and Kaalaman) na mga programang naghahatid ng mas magagandang serbisyo sa mamamayan ng Las Piñas.

Para sa Kalusugan, ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ang green card program na ipinamamahagi sa mga residente upang makatulong para sa kanilang pagpapaospital,nagsagawa ng ‘chikiting bakunation’ at libreng operasyon sa katarata.

Sa Kalusugan program, binigyang-pagkilala ng Department of Health (DOH) ang Las Piñas sa kanyang outstanding performance nang maitala nito ang 106% at malampasan ang 96 porsiyentong target na bilang ng nabakunahang bata.

Sa ilalim ng Kalinisan program, ipinatutupad ng Las Piñas ang clean and green program at ang wastong pagtatapon at pamamahala ng mga basura upang mapanatili ang kalinisan sa buong lungsod.

Nasungkit din ng Las Piñas ang Safe City Award noong Agosto 9 base sa napakahusay na pagganap ng lokal na pulisya sa pagkakatala ng pinakamababang bilang ng krimen.

Inihayag pa ni Mayor Aguilar na nakapagtala ang lokal na pulisya ng pinakamataas na bilang ng naarestong suspek sa iba’t ibang krimen.

Ayon pa sa alkalde, ang pinakamalaking dahilan kung bakit ‘mas ligtas’ na lugar tirhan ang Las Piñas sa Metro Manila ay bunga ng maigting na presensya ng mga pulis o police visibility at pagsasagawa ng checkpoints sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang barangay sa lungsod.

Sinabi rin ni Mayor Aguilar na ang Safe City Award ay sa ilalim ng Kaayusan program na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan sa tulong ng Las Piñas City Police.

Idinagdag pa ng alkalde na sa ilalim naman ng Kaalaman program, itinuturo ang urban farming upang isulong ang pagpapanatili ng pangkabuhayan at mahalagang mapagkukunan ng masusustansiyang pagkain ng mga residente.

Lubhang namangha si Evangelio at kanyang team sa presentasyon ng lokal na pamahalaan sa pagpapakita ng mga tagumpay nito sa mga ipinatutupad na best practices kaya ganap na progresibo at ligtas na tirhan ang Las Piñas.

Dumalo sa benchmarking ang mga opisyal ng Las Piñas City sa pangunguna nina City Administrator Reynaldo Balagulan at Public Information Office (PIO) chief Paul San Miguel kasama ang iba pang department heads. (Danny Bacolod)

119

Related posts

Leave a Comment