LIVE-IN PARTNER ITINULAK SA TULAY NG TRAFFIC ENFORCER

QUEZON – Malubhang nasugatan ang isang babaeng empleyado ng Tayabas City Hall matapos na ihulog sa ilog ng kanyang kinakasamang traffic enforcer mula sa tulay sa Tayabas City noong Martes ng gabi.

Nilalapatan ng lunas sa ospital ang 28-anyos na biktimang si Verlyn Serrano Obcemia, residente ng Barangay Dapdap, Tayabas, dahil sa mga pinsala sa ulo at katawan sanhi ng pagkahulog mula sa 10 metrong taas na tulay.

Tumakas naman ang 33-anyos na suspek na si Jerome Cabile Cabuyao, isang traffic enforcer, ng Tayabas City, matapos ang pangyayari.

Ayon sa report ng Tayabas City Police, dakong alas-10:30 ng gabi, galing sa birthday party ng isang kaibigan ang magka-live in at pauwi na sa kanilang bahay ngunit habang lulan ng motorsiklo ay nagtalo ang mga ito.

Itinigil umano ng suspek ang motorsiklo sa gitna ng tulay at habang nagtatalo ay itinulak nito ang babae na nahulog sa ilog. Bumagsak ang biktima sa mababaw na tubig at batuhang bahagi ng ilog. Mabilis na umalis ang lalaki matapos ang insidente.

Nakatawag naman ng saklolo ang ilang nakasaksi at agad isinugod ng nagrespondeng mga tauhan ng Tayabas CDRRMO ang biktima sa ospital sa Lucena City.

Ayon sa pulisya, nakainom ang suspek nang mangyari ang insidente, at pinaghahanap na sa kasong frustrated homicide. (NILOU DEL CARMEN)

159

Related posts

Leave a Comment