LIVE-IN PARTNER, NAPATAY SA SAKSAK NG ADIK SA TALPAK

LAGUNA – Bunsod ng problema sa pagkakautang na sinabayan pa ng sobrang selos, naburyong ang isang lalaki at napatay sa saksak ang kanyang live-in partner sa Brgy. Calumpang, sa bayan ng Liliw sa lalawigang ito.

Naaresto noong Martes at sinampahan ng kasong murder ang suspek na si Jan Rhey De Guzman, 27-anyos.

Batay sa report ng Liliw Police, dakong alas-10:00 ng gabi noong Linggo nang pagsasaksakin ng suspek ang live-in partner niyang si Diane Angela Canlas, 22, sa kanilang bahay.

Nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang dalawa dahil sa pagseselos ng lalaki hanggang sa nauwi sa pananaksak gamit ang isang kutsilyo.

Isinugod sa Nagcarlan District Hospital ang biktima ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sanhi ng maraming tama ng saksak sa kanyang katawan.

Tumakas ang suspek matapos ang krimen subalit agad din itong naaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ng Liliw Police.

Sinabi sa pulisya ng mga kaanak ng biktima, ilang araw nang balisa ang suspek dahil sa pagkabaon sa utang bunsod ng pagka-adik sa sugal na online sabong o talpak.

Nakakulong na ang suspek sa Liliw Police Station locked-up cell. (NILOU DEL CARMEN)

21

Related posts

Leave a Comment