LOBO, BATANGAS EX-VICE MAYOR PINATAY SA DEBUT PARTY

BATANGAS – Patay ang 61-anyos na dating vice-mayor sa bayan ng Lobo matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek noong Huwebes ng gabi.

Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Batangas Medical Center si ex-vice mayor at Sangguniang Bayan Secretary Romeo Sulit dahil sa tama ng bala sa ulo.

Ayon kay P/Capt. Roy Cuevas, hepe ng Lobo Police, bandang alas-12:34 ng madaling araw noong Biyernes nang malagutan ng hininga si Sulit.

Ayon sa imbestigasyon, nagsasalita sa harap ng mga bisita sa dinadaos na debut party si Sulit sa Barangay Tayuman nang lapitan ito ng gunman at barilin sa likurang bahagi ng ulo bandang alas-8:05 ng gabi.

Batay sa mga saksi, nakasuot ng green na jacket, black na short pants at sumbrero ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.

Naisugod pa sa Lobo District Hospital si Sulit bago inilipat sa Batangas Medical Center ngunit nalagutan ng hininga.

Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo at ang kung sino responsable sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)

Related posts

Leave a Comment