LOYALTY CHECK SA DAVAO REGION ITINANGGI NG AFP

ITINANGGI ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsasagawa ng loyalty check ang pinuno ng sandatahang lakas sa Davao region, ang lugar na pinaniniwalaang balwarte ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nabatid na nagtungo lamang sa Davao si AFP chief of Staff General Romeo Brawner para personal na silipin ang kondisyon ng nagpapatuloy na HADR operations at peace and security campaigns sa rehiyon.

Kahapon ay binisita ni Brawner ang mga tropa ng Eastern Mindanao Command at 10th Infantry Division ng Philippine Army na nakabase sa Davao.

Ayon kay Gen. Brawner, kumpiyansa siya na nananatiling professional organization ang Hukbong Sandatahan lalo na ang mga bagong breed ng mga sundalo.

“I am not worried because I know that the new breed of soldiers are professionals. Let us remain united and loyal to the Constitution and the chain of command,” pahayag ni Gen. Brawner.

Ito ay sa likod ng pinalutang na planong paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.

Muling pinaalalahanan ni Brawner ang mga sundalo na panatilihin ang pagkakaisa, maging loyal sa Konstitusyon at sa chain of Command.

Dapat din aniyang maging mapagmatyag ang mga sundalo sa mga kalaban ng pamahalaan na layong makapasok sa iba’t ibang sektor ng lipunan at hamunin ang AFP at ang pagkakaisa ng bansa.

Una na ring nagbabala ang National Security Council na nakahanda ang pamahalaan na gamitin ang buong pwersa nito sakaling may magtangkang maglunsad ng pagkawatak-watak ng bansa.

“Focus lang tayo sa trabaho natin. Isa lang ang ating Pilipinas, isa lang ang ating bansa. Let us be proud of our heritage, let’s be proud of who we are as a people. Pilipino tayong lahat kaya mahalin natin ang ating bansa,” dagdag pa ni Brawer.

Magugunitang sina AFP chief Brawner at PNP chief General Benjamin Acorda Jr., ay kapwa muling nagpahayag ng katapatan kay Pangulong Marcos Jr. sa kabila ng mga ugong ng umano’y destabilisasyon laban sa pamahalaan.

(JESSE KABEL RUIZ)

102

Related posts

Leave a Comment