LPG TANK SUMABOG, MAG-AAMA SUGATAN

BATANGAS – Sugatan ang mag-aama nang sumabog ang LPG tank sa loob ng kanilang bahay sa Francisco Village, Brgy. 2, Lipa City noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ng Lipa City Police ang mga biktimang sina Loreto Gutang, 40-anyos; ang 16-anyos na dalagita at isang 7-taong gulang na batang lalaki na parehong anak nito.

Batay sa report, dakong alas-6:45 ng umaga, magluluto ng almusal ang ama nang biglang sumabog ang LPG tank nang buksan nito.

Sa lakas ng pagsabog, nasugatan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima.

Isinugod ang mga ito sa Lipa Medix Hospital at nilapatan ng lunas.

Kinumpirma naman ng Lipa Bureau of Fire Protection na leak ng gas sa hose ng LPG tank ang dahilan ng pagsabog. (NILOU DEL CARMEN)

20

Related posts

Leave a Comment