LTFRB PLANONG MAGBUKAS PA NG HIGIT 50 DAGDAG NA RUTA

PLANO ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbukas pa ng mahigit 50 ruta sa Metro Manila.

Aminado si LTFRB Chairperson Cheloy Garafil na hindi sapat ang higit 100 ruta na kanilang binuksan noong magsimula ang balik-eskuwela kaya naman plano pa nila itong dagdagan sa mga susunod na buwan.

“Kasi ‘yong unang inilabas namin, ‘yong more than 100 routes, it’s just to address ‘yong pag-open ng classes [noong August 22],” ayon kay Garafil sa isang panayam.

“Noong tinitingnan namin, kasi continuous naman ‘yong pag-aaral namin sa mga ruta, marami pang displaced. Marami pang PUV (public utility vehicle) operators at driver na hindi nakakapasada,” dagdag pa ng LTFRB exec.

Kasabay nito, pinaalalahanan ng ahensiya na epektibo ang fare increase sa mga Public Utility Vehicle (PUV) sa Oktubre 3, 15 araw matapos ianunsyo ng ahensya ang pagtaas ng singil sa mga pampublikong sasakyan noong nakaraang Biyernes, ika-16 ng Setyembre 2022.

Ipinag-utos ng LTFRB sa bawat PUV operator at driver na maglagay ng updated na Fare Matrix or Fare Guide sa kanilang mga sasakyan na makikita agad ng kanilang pasahero.

Bukod pa riyan, hindi maaaring magtaas ng pasahe ang mga PUV driver at operator hangga’t wala pang naisyu sa kanila na fare matrix guide.

Mahigpit na iniuutos ng LTFRB ang pagsunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensya ng mga PUV driver at operator, alinsunod sa mga kondisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) at Joint Administrative Order 2014-01.

Kung may reklamo tungkol sa pagpapatupad ng fare increase sa mga pampublikong sasakyan ay maaari umanong magreklamo sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342 o mag-send lang ng message sa LTFRB Official Facebook page o pumunta lang sa official website ng ahensya. (LILY REYES)

76

Related posts

Leave a Comment