NANAWAGAN ang grupo ng mga magsasaka sa lalawigan ng Batangas kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sila ay tulungan sa kanilang suliranin sa lupang kanilang sinasaka, sa ginanap na “Balitaan sa Tinapayan” sa panulukan ng Dapitan at Don Quijote Streets , Sampaloc, Manila nitong Biyernes ng umaga.
Sinabi ni Dorcas Aquino, pangulo ng Samahang Magsasaka ng Balibago, Matabungkay sa Lian, Batangas na sa pamamagitan ng media, umaasa sila na maipapaabot ang kanilang kahilingan na sana ay matulungan sila na hindi tuluyang masakop ng mga makapangyarihan ang lupaing kanilang sinasaka at kinatitirikan ng kanilang bahay.
Ayon kay Aquino, ang naturang lupain ay pag-aari ng gobyerno na ngayon ay patuloy na dini-develop ng Sta. Lucia. Realty South Crest dahil umano napatituluhan na ang bahagi ng ekta-ektaryang lupa ng pribado at maimpluwensyang personalidad.
Panawagan ng mga magsasaka, sana ay mag-isyu ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng ‘cease and decease order’ sa isinasagawang pagde-develop sa mahigit 193 ektaryang lupain dahil maraming mahirap na pamilya na ang naha-harass bukod sa ilegal ang paggalaw sa lupa dahil wala aniyang ‘conversion order’.
“‘Yan ay hindi lingid sa lahat na kapag walang conversion order dapat walang galawan — ang may jurisdiction diyan ay ang DENR”, pahayag pa ni Aquino.
Aniya walang ginagawang hakbang ang DENR upang pigilan ang developer para protektahan ang mga puno at mga tao na may problema sa ganitong usapin sa kabila na sila ay may hawak na dokumento.
Sa area lamang aniya ng Matabungkay ay hirap na ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil na-wash out na ang 200 puno ng mangga na kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Ayon pa kay Aquino, bagamat binigyan sila ng pag-asa na ipamamahagi ang lupa at bubuhayin ang titulo sa tunay na nagmamay-ari nito na si Manuel L. Quezon ngunit dito pa lamang aniya ay kwestyunable na dahil nagkaroon ito ng titulo at naging pribado.
Aniya, kung tinupad lamang nila ang kasunduan na P30 libo sa bawat 50 square meters ay hindi sana sila ngayon hahantong sa ganitong sitwasyon.
Dahil matagal nang hindi nareresolba ang usapin, naniniwala ang samahan na may nangyayaring sabwatan sa pagitan ng DAR, DENR, developer at pribadong may-ari nito.
Gayunman, umaasa ang samahan na pakikinggan sila ni Pangulong Marcos sa kanilang mga karaingan. (RENE CRISOSTOMO)
