MAG-ASAWA PATAY, 2 SUGATAN SA AMBULANSYA VS MOTOR

QUEZON – Dalawa ang patay habang dalawa ang malubhang nasugatan matapos magbanggaan ang isang ambulansya at isang motorsiklo sa national highway sa Sityo Yuyuan, Barangay Camflora, sa bayan ng San Andres, sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon ng San Andres Police, tumatakbo sa highway ang ambulansya na pag-aari ng San Andres LGU, patungo sa direksyon ng katabing bayan ng San Narciso, nang biglang pumasok sa highway ang motorsiklong sinasakyan ng apat na magkakapamilya galing sa barangay road.

Sinubukan pa itong iwasan ng driver ng ambulansya subalit nagpatuloy ang motorsiklo kaya nahagip pa rin ito. Pagkaraan ay sumadsad sa kanal sa gilid ng highway ang ambulansya.

Kabilang sa namatay ang 48-anyos na ina ng pamilya na si Thelma Argawadi Duaso, na binawian agad ng buhay sa pinangyarihan ng insidente.

Isinugod naman sa ospital ang nagmamaneho sa motorsiklo na anak na binata ni Thelma na si Ferdie Argawadi Duaso, ang 49-anyos na padre de pamilya na si Felix Comedian Duaso, at ang kanilang 6-anyos na apo na batang lalaki.

Inilipat ang mga ito sa ospital sa Lucena City dahil sa maselan nilang kalagayan subalit binawian ng buhay ang padre de pamilya sa daan pa lamang.

Ikinustodiya naman ng pulisya ang driver ng ambulansya na si Ricardo Lihay-Lihay na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple physical injuries.

(NILOU DEL CARMEN)

173

Related posts

Leave a Comment