CATANAUAN, Quezon – Inaresto ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group ang mag-asawang negosyante dahil sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.
Kinilala ni PNP-CIDG Director Maj. Gen. Eliseo Cruz, ang mag-asawang suspek na sina Meil Yu Tan, 35, at Jacqueline Tan Tan, 38, kapwa contractor, at may-ari ng MJIEL Constructions.
Base sa ulat, isinilbi ang search warrant laban sa dalawa ng mga ahente ng CIDG-Quezon sa pamumuno ni Lt. Col. Ariel Huesca, PNP Regional Mobile Force Battalion, at Catanauan Police sa kanilang bahay sa MJIEL Constructions Compound, Sitio NFA, Brgy. Madulao.
Ang search warrant ay inisyu ni Calamba City Regional Trial Court, 4th Judicial Region, Branch 36 Judge Glenda Mendoza-Ramos dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10591.
Dakong alas-5:30 kahapon ng umaga nang isagawa ang operasyon at base sa ulat ng pulisya, narekober mula sa mag-asawa ang isang M16 armalite rifle, cal. 40 pistol, cal. 9mm pistol, cal. 45 pistol, caliber super .38 pistol, 12 gauge shotgun, magazines ng nasabing mga armas at 1,110 assorted na mga bala.
Ayon pa sa ulat, ang mag-asawang Tan ay kilalang supporters ni Quezon Governor Danilo Suarez na tumatakbo laban kay Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan.
Sinabi pa ni Cruz, ang complainant sa kaso ay nagreklamo ng harassment laban sa mag-asawa.
309