KINUMPIRMA ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pagkamatay ng mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon na kapwa opisyal ng teroristang grupong Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA), sa kamay ng military matapos na masabat umano ng mga sundalo noong Agosto 21, 2022, at hindi sa pagsabog gaya ng inilabas na military report.
Sa mensaheng ipinarating ng CPP sa ilang kasapi ng media sa pamamagitan ng isang Marco Balbuena, at sa kanilang website na philippinerevolution.nu, sinasabing naharang ng military ang mag-asawang Tiamzon at walong iba pa.
Base sa kanilang report, nangyari ang nasabing pagpatay sa mag-asawang Tiamzon noong Agosto 21, 2022, kasama ng mga ito ang walo pang guerilla nang hulihin ng military habang sakay ng dalawang van sa Catbalogan City.
Hinarang umano ang grupo ng mag-asawang Tiamzon at doon na nawala ang mga ito at hindi na nakita pang muli.
Sa nakalap na impormasyon ng Central Committee, tinortyur umano ng militar ang mga rebelde at inilabas sa media na namatay ang mag-asawang Tiamzon kasama ang walong iba nang sumabog ang sinasakyan nilang bangka matapos makasagupa ng tropa ng pamahalaan. (JESSE KABEL RUIZ)
266