CAVITE – Namatay ang isang lalaki habang nilalapatan ng lunas ang isa pang biktima nang banggain sa likurang bahagi ang kanilang motorsiklo ng isang Isuzu rebuilt jeepney sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Kapwa isinugod sa ospital sina Mark Vincent Delos at RJ Ocampo, kapwa nasa hustong edad, subalit namatay habang nilalapatan ng lunas ang una.
Kinilala naman ang driver ng Isuzu Rebuilt jeepney na may plakang RF G985, na si Niño Lumagui, nasa hustong edad.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:00 nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Antero Soriano Highway, sakop ng Brgy. Calibuyo, Tanza, Cavite.
Minamaneho ni Lumagui ang kanyang sasakyan habang binabagtas ang kahabaan ng Antero Soriano Highway patungo sa direksyon ng Tanza proper ngunit pagsapit sa Brgy. Calibuyo ng naturang bayan nang banggain nito sa likuran ang motorsiklo ng mga biktima na patungo rin sa nasabing direksyon. (SIGFRED ADSUARA)
