MAGKAPATID NA SENIOR, SUGATAN SA SAGI NG VAN

CAVITE – SWAK sa kulungan ang isang van truck driver makaraang masagi ang motorsiklo na sakay ang dalawang senior citizen, nang mag-overtake ito subalit tinakasan gayunman ay naaresto ang suspek sa Gen. Trias City noong Lunes ng gabi.

Kapwa nilalapatan ng lunas sa Gen Tri Doctors Hospital ang biktimang sina alyas “Ernesto”, 69, at alyas “Pedro”, 64, kapwa residente ng Brgy. Buenavista 2, Gen. Trias City, dahil sa malubhang sugat sa katawan.

Kinilala naman ang driver ng isang Fuso wing van truck na may plakang NGR 2029, na si alyas “Charlie”, 35, ng Brgy. Corregidor, Gen. Trias City, Cavite.

Ayon sa ulat ni Police Master Sergeant Christopher H. Dumlao ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Governor Ferrer Drive, Brgy. Buenavista 2, Gen. Trias City.

Habang kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang inner lane ng nasabing lugar galing sa Brgy. Buenavista 2, patungo sa Brgy. Manggahan, sakay ang mga biktima ng isang motorsiklo na Rusi na may sidecar, habang minamaneho naman ng suspek ang nasabing Fuso wing van.

Tinangka umano ng driver ng van na mag-overtake sa motorsiklo ng mga biktima sa outer lane subalit nang mapansin na maraming kongkretong poste ay muling bumalik sa inner lane dahilan upang masagi ang mga biktima.

Bunsod nito, tumaob ang sasakyan ng mga biktima subalit imbes na tumigil ang driver ng van ay humarurot ito palayo.

Isinugod ang dalawang matanda sa ospital habang nagsagawa naman ng pursuit operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa driver ng van na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries and damage to property at paglabag sa Article 275 ng RPC (Abandonment of Persons in Danger and Abandonment of One’s Own Victim).

(SIGFRED ADSUARA)

108

Related posts

Leave a Comment