CAVITE – Patay ang isang 43-anyos na lalaki habang sugatan ang kapatid nitong babae nang pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay matapos ang pagtatalo dahil sa mga kambing sa Tagaytay City sa lalawigang ito, noong Lunes hapon.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Leo Bergado y Ancaya, 43, habang nilalapatan ng lunas sa Tagaytay Hospital and Medical Center ang nakatatandang kapatid nito na si Teresita Igloso y Bergado, 64, may asawa, kapwa residente ng Purok 68, Brgy. Kaybagal North, Tagaytay City.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Nestor Soreda y Maya, 31, kapitbahay ng mga biktima sa Purok 68, Brgy. Kaybagal North, Tagaytay City.
Ayon sa ulat ni P/MSg. Joseph Ryan D. Bascugin ng Tagaytay City Police Station, dakong alas-5:45 ng hapon nang mangyari ang insidente.
Nabatid na pinagtalunan ng mga biktima at suspek ang hinggil sa alagang kambing ni Soreda na kinakain umano ang kanilang mga halaman.
“Sinabihan ni Bergado si Soreda na itali ang alagang mga kambing ng huli na ikinagalit ng suspek,” ayon kay P/MSgt. Bascugin.
Pagkaraan, kumuha umano ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak si Bergado.
Tinangka naman ng kapatid ng biktima na mamagitan subalit maging siya ay inundayan din ng saksak ng suspek.
Agad nalagutan ng hininga sa insidente si Bergado dahil sa mga saksak sa katawan habang ang kapatid ay mabilis na isinugod sa pagamutan.
Agad namang tumakas ang suspek makaraan ang insidente. (SIGFRED ADSUARA)
