MAGSASAKA IBABAON SA UTANG NG MARCOS – LAUREL TANDEM

KINASTIGO ng grupo ng magsasakang kababaihan sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., dahil imbes ayuda ang ibigay sa mga magsasaka na apektado ng El Niño ay ibinabaon pa ang mga ito sa utang.

Ayon kay Amihan secretary general Cathy Estavillo, umaabot na sa P1.7 billion ang nasirang pananim dahil sa El Niño subalit pautang sa mga magsasaka at mangingisda ang tugon nina Marcos at Laurel.

“Sa gitna ng rumaragasang epekto ng El Nino sa kabuhayan ng mga magsasaka sa palayan, nagresulta ito sa signipikanteng pagliit ng produksyon ng palay. Nalugi at nabaon sa utang ang mga magsasaka dahil sa pagkatuyo o pagkasunog ng kanilang mga palay dahil walang patubig. Iba pa ang peste na na sumisira sa kanilang mga pananim,” ani Estavillo.

Umasa aniya ang mga magsasaka na bibigyan ng kompensasyon ng gobyerno dahil sa kanilang dinaranas na hirap pero pawang credit assistance barya-baryang pautang na malayo sa P60,000 gastos sa pagtatanim sa bawat ektarya ng palayan.

“Esensya ng panlilinlang ang hakbang ng gobyerno, dahil lugi na nga ang mga magsasaka ay ibabaon pa sa utang. Ang El Niño ay isang climate emergency o climate crisis, kaya ang kailangan ng mga magsasakang apektado ay kumpensasyon sa mga danyos sa kanilang pananim para makarekober at makapagtanim muli sa hinaharap,” ayon pa kay Estavillo.

Dagdag nito, inaasahang babagsak ang produksyon ng pagkain sa bansa, ang food self-sufficiency at food security, na buong populasyon aniya ang apektado dahil sa maling pagtugon ng gobyerno sa problema sa El Nino.

(BERNARD TAGUINOD)

314

Related posts

Leave a Comment