ISINALANG SA LIVE FIRE EXERCISES

NAGSAGAWA ng tatlong araw na live fire exercises ang Philippine Army Field Artillery Battalion para masubok ang bagong armas na pamuksa ng Armed Forces of the Philippine sa Brgy. Talisawa, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur.

Isinagawa ang live fire test para sa bagong biling armas ng AFP, ang truck mounted 155 Howitzers, bilang bahagi ng isinagawang pag-aaral ng Field Artillery Battalion.

Ayon kay Lt. Col. Chamberlain Esmino, commander ng 10th Field Artillery Battalion, ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagtatapos ng 10FAB Battalion Organizational Training na mangangasiwa sa nasabing 155 Self-Propelled (ATMOS 2000) Howitzers

Napag-alaman na walo sa labindalawang 155mm (ATMOS 2000) Self-Propelled Howitzers, ang dinala sa Mindanao noong ika-29 ng Setyembre ng kasalukuyang taon, na ang pangunahing layunin ay sugpuin ang terorismo at insurhensiya sa bahaging ito ng Mindanao.

Tiniyak naman ng pamunuan ng 6ID na inabisuhan muna ang lugar na pinagdausan ng live fire exercises ng nasabing ‘game changer assets’ ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Pinasalamatan ni Colonel Francis Anthony Coronel, ang Army Artillery Regiment commander, si Hon. Al Wali Mangudadatu, ang mayor ng bayan ng DAS, sa malugod na pagpapaunlak sa aktibidad at pagsasagawa ng live fire exercises sa bayan ng DAS. Ilang mga kagawad naman ng media ang sumaksi rin sa pagpapaputok ng nasabing armas.

Ayon kay Major General Roy M. Galido, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central Ang ATMOS, ito ang pinakamalaking baril sa Army Arsenal ngayon. “With automatic loading and a digital fire control, it can deliver accurate fires to a range of up to 41 kilometers, bagay na tinaguriang ‘game-changer’ assets ng ating hukbo bilang suporta sa mga ginagawa nating military operations sa Central at South-Central Mindanao,” pahayag pa ni Maj. Gen. Galido. (JESSE KABEL RUIZ)

17

Related posts

Leave a Comment