MAGSASAKA PABORAN HINDI IMPORTERS – SOLON

MULING hinimok ni Magsasaka Party-list (MPL) Rep. Argel Joseph Cabatbat ang mga ahensya ng gobyerno na paigtingin ang kampanya laban sa mga smuggled na produktong pang-agrikultura.

Tanong ng mambabatas: mas pinahahalagahan ba ang mga importer kaysa sa mga magbubukid ng Pilipinas na luging-lugi na?

Nitong Martes, ginisa sa Senado ang mga kinatawan ng Department of Agriculture, Bureau of Plant Industry at Bureau of Customs (BoC) dahil sa patuloy na pagpupuslit sa bansa ng gulay, Korean strawberries at iba pang produkto. Duda ni Senador Ping Lacson, may sabwatan ang mga tauhan o ‘ground personnel’ ng naturang mga ahensya.

Ayon kay Cabatbat, “ayoko sanang isiping tama si Senador Lacson na may conspiracy. Pero mukhang ganun nga. Hindi man high-level officials ang sangkot, lubos na nakakabahala na hindi mabantayan ang pagpasok ng imported agricultural products.”

Sang-ayon din ang kongresista na sapat ang batas para i-regulate ang bilang ng importers dahil hinihingan ang mga ito ng rekisito tulad ng rehistrasyon mula sa Department of Trade and Industry, mayor’s permit, akreditasyon mula sa BoC at Securities and Exchange Commission, at pagpapalista sa food safety regulatory authority ng DA.

Patuloy na tinututukan ng MPL ang isyu ng smuggling.

Inihain ni Cabatbat sa Kamara ang House Resolution 2282 na naglalayong mas paigtingin ang imbestigasyon sa vegetable smuggling. Noong Setyembre, nakipag-ugnayan din siya sa BoC para palakasin ang seguridad lalo na sa mga daungan.

Giit ng kinatawan ng mga magsasaka: “Walang phytosanitary permits ang smuggled items, hindi sigurado kung ginamitan ng preservatives o pesticides. Napakadelikado niyan para sa mga mamimili.

Bukod diyan, pinapatay ang pinagkakakitaan ng mga magbubukid dahil mas mababa ang presyo ng puslit na produkto sa merkado. Hindi makasabay ang mga magsasaka.” (CESAR BARQUILLA)

97

Related posts

Leave a Comment