MAGSASAKA, TSUPER TODAS SA UTOL

BATANGAS – Patay ang isang magsasaka matapos na pagtatagain ng kanyang nakababatang kapatid sa Brgy. Paraiso, sa bayan ng Calatagan sa lalawigang ito, noong  Linggo ng gabi.

Hindi na naisugod sa ospital ang biktimang si Edecon Obrador, 40, at agad namatay dahil sa mga tama ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa report ng Calatagan Police, nag-iinuman ang biktima at ang 32-anyos na kapatid nitong si Herman Obrador, nang magkainitan ang mga ito dakong alas-9:30 noong Linggo ng gabi.

Humantong ito sa pananaga ng nakababatang kapatid  sa biktima gamit ang itak.

Sumuko naman ang suspek sa mga awtoridad matapos ang krimen.

Samantala, patay ang isang tricycle driver nang pagtatagain ito ng kanyang nakatatandang kapatid sa Lipa City noong Linggo ng gabi.

Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa N.L. Villa Hospital sa nasabing lungsod ang biktimang si Galileo Bautista, 44-anyos.

Batay sa report ng Lipa City Police, nakaupo ang biktima sa sofa sa salas ng kanilang bahay sa Barangay Anilao nang pasukin ito ng 48-anyos na  kapatid na si Pedro Bautista at pinagtataga dakong alas-10:30 ng gabi.

Nasugatan ang biktima sa ulo at katawan, agad itong isinugod sa ospital subalit namatay dakong madaling araw.

Naaresto naman ng mga tauhan ng Lipa City Police ang suspek matapos ang krimen.

Lumabas sa imbestigasyon, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang magkapatid na naging dahilan ng krimen.

Sinampahan ng kasong murder ang nasabing suspek. (NILOU DEL CARMEN)

35

Related posts

Leave a Comment