MAHIGIT 3M PINOY DUMAGSA SA MGA SEMENTERYO

MAHIGIT sa tatlong milyong Pilipino ang dumagsa sa mga sementeryo kaugnay sa paggunita ng sambayanan sa Todos Los Santos na sinasabing maituturing na mapayapa sa pangkalahatan.

Sa isinumiteng ulat ng mga local government at kanilang pulisya, sinasabing umabot sa 3 milyong Pinoy ang dumagsa sa mga sementeryo sa paggunita sa Undas 2023.

“Kahapon, (kamakalawa) araw ng Miyerkoles ay umabot ng halos 3 million ang na-monitor po nating pumasok at lumabas ng mga sementeryo natin nationwide,” ani Philippine National Police spokesperson, Col. Jean Fajardo.

Hanggang sa paggunita sa All Souls Day ay patuloy pa rin ang pagbisita sa puntod ng mga namayapang mahal sa buhay sa iba’t ibang kamposanto sa bansa.

Kaya tuloy-tuloy pa rin ang security coverage ng PNP na nanatiling nakataas ang antas ng alerto, ayon kay P/Col. Fajardo.

“Overall po ay naging maaayos ang observance ng Undas at wala po tayong naitalang any major incidence,” ayon kay Col. Fajardo kasunod ng pahayag na masasabing generally peaceful ang paggunita sa Undas 2023.

Sa lungsod ng Maynila ay umabot sa 1,701,645 na indibidwal ang naitalang bumisita sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.

Sa datos na inilabas ng Manila Public Information Office, ang nasabing bilang ay mula noong Oktubre 29 hanggang Nobyembre 1, 2023 at inaasahang madaragdagan pa hanggang sa susunod na mga araw.

Nasa 1,211,050 ang kabuuang bilang ng mga nagtungo sa Manila North Cemetery sa nakalipas na apat na araw habang 490,595 naman sa Manila South Cemetery na parehong itinuturing na pinakamalaking semeteryo sa bansa.

Nabatid na nanatiling naka-full alert ang PNP at patuloy rin ang police assistance desks at roving personnel sa mga pangunahing sementeryo.

Nasa pasya rin umano ng police regional directors kung ibababa nila ang antas ng kanilang alerto o tuluyan nang aalisin sa kanilang mga nasasakupan.

Nabatid na ang pananatili ng alerto ay bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga tao na magbabalikan mula sa kanilang mahabang bakasyon sa kani-kanilang mga lalawigan kaugnay sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election at paggunita sa Undas at All Souls Day.

(JESSE KABEL RUIZ)

231

Related posts

Leave a Comment