MAINIT NA SALPUKAN SA QC DISTRICT 5 IKINABABAHALA

NANGANGAMBA ang Koalisyong Novalenyo sa umiinit na labanan ng mga kandidato sa District 5 ng Quezon City.
Kamakailan ay naghain ng 290 counts ng vote buying sa Comelec ang isang grupo laban sa congressional bet na si Rose Lin.
Bilang tugon, tinawag ng kampo ni Lin na fake news ang mga reklamo laban sa kanya at ito umano ay pakana ng kanyang mga kalaban.
Kabilang sa pinangangambahan ng Koalisyong Novalenyo ay ang sumbong na pag-iikot umano sa Novaliches ng nasa walong kalalakihan na ayon sa mga nakakita ay may dalang armas. Ang mga ito ay galing umano sa Isabela at hinihinalang inupahan para sumama sa pangangampanya kay Lin.
“Ang alam namin dalawa lang ang allowed na escort ayon sa batas. Bakit kailangan niya ng private army eh mapayapa naman dito at maayos naman ang mga Novaleño? May kaaway ba siya? May pinagtataguan ba siya? Bakit tila takot siyang lumabas mag-isa sa Novaliches?” tanong ni Ted Lazaro, isa sa mga convenor ng Koalisyong Novalenyo patungkol sa mga lalaking kasama sa pag-iikot ng grupo ni Lin.

Kamakailan, binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kandidato na sumunod sa patakaran ng Comelec at sa tinatawag na “Alunan Doctrine” kung saan dalawa lamang ang pinapayagang bodyguard sa kampanya bawat kandidato.
Mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi na kapag lumampas sa dalawa, private army na itong maituturing at “ipaaresto ko ang kandidato at mga armadong kasama nito”. Sinabi ng Pangulo na hihigpitan ang pagpapatupad nito upang maiwasan ang karahasan.
Nanawagan ang Koalisyong Novaleño Kontra Korapsyon ng Novaliches sa Malacañang, DILG, PNP at Comelec na mahigpit na ipatupad ang patakaran laban sa private army.
Ani Lazaro, na-dokumento na nila ang mga armadong tao at isusumite nila ito sa Comelec.
Sa isang pahayag sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na handang magsampa ng kaso ang ahensya laban sa mga kandidato na lalabag sa batas pang eleksyon. (PAOLO SANTOS)
86

Related posts

Leave a Comment