Makakamit ng Sorsogon HERD IMMUNITY SA PAGTATAPOS NG 2021

NANINIWALA si Sorsogon Gov. Chiz Escudero na makakamit ng probinsiya ang herd immunity sa pagtatapos ng 2021 kung kailan inaasahang mababakunahan ang 85% ng target population nito lampas-lampas sa itinatakda ng World Health Organization (WHO) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

“Marami kaming nabigyan ng first dose noong National Vaccination Days na inaasahan naming mabibigyan ng second dose bago matapos ang taon kung kaya’t mararating namin ang mahigit kumulang na 84.7 percent fully vaccinated rate para sa populasyon ng aming lalawigan na may edad 12 pataas,” ani Escudero na kumakandidato para sa bagong termino sa Senado.

Lumilitaw sa mga paunang datos mula sa Sorsogon Provincial Information Office na sa unang araw ng “Bayanihan, Bakunahan National Vaccination Days,” nasa 29,141 Sorsoganons ang nabigyan ng first dose – numero na mas mataas ng 2,343 sa target ng Department of Health.

Ibinahagi ng beteranong mambabatas na lumambot na ang pambansang gobyerno sa nauna nitong direktiba na nagsasaad na parurusahan ang mga lokal na pamahalaan kung hindi bibilisan ang vaccination program sa kani-kanilang nasasakupan, lalo’t may mga nagiging iba’t ibang problema at aberya dati sa parte ng pamahalaan pagdating sa distribusyon ng mga bakuna sa iba’t ibang lokalidad.

Sa ngayon, sinabi ni Escudero na nag-iba na at palapit na nang palapit ang Sorsogon sa herd immunity dahil na rin sa parami nang parami ang mga bakunang dumarating sa probinsiya mula Oktubre kung saan nakakatanggap ito mula 20,000-40,000 doses kada araw. (ESTONG REYES)

86

Related posts

Leave a Comment