MARCOS ADMIN DAPAT MAGPAKATOTOO SA NUCLEAR POWER PLANT

(BERNARD TAGUINOD)

IGINIIT ng isang mambabatas sa gobyerno at maging sa kanyang mga kasamahan sa Kamara na huwag magsinungaling hinggil sa problemang idudulot ng pagkakaroon ng Nuclear Power Plant sa bansa.

Sa paliwanag ni Bataan Rep. Albert Garcia sa botong “no” sa House Bill (HB) 9293 na naglalayong itatag ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM), hiniling nito sa gobyerno na sabihin ang katotohanan sa mga problemang kahaharapin ng bansa kapag nagkaroon ng nuclear plant.

“Magpakatotoo po tayo. Kung may panganib, ‘wag nating sabihin na ligtas. Kung walang solusyon sa nuclear waste, ‘wag natin sabihin na meron. Kung mas mahal, ‘wag nating sabihing mura,” ani Garcia.

Ayon sa mambabatas, ipinalalabas na may solusyon sa problema sa nuclear waste gayung ang mga bansa na may mga nuclear power plant ay hirap na hirap umano sa kanilang nuclear waste disposal.

Bababa rin umano ng presyo ng kuryente subalit sa France aniya na 60% sa kanilang power supply ay mula sa nuclear plant, ay umaabot umano sa P14 per kilowatt hour ang presyo kumpara sa P11 sa Pilipinas.

“May kumakalat na balita na ang kaligtasan ay madaling makuha. Bago maniwala mag-isip-isip ka muna. Marami ang namamatay sa maling akala,” ayon pa sa mambabatas.

Gayunpaman, nabalewala ang ‘no vote’ ni Garcia dahil 7 lamang sila na tumutol sa nasabing panukala kumpara sa 200 na bumoto ng ‘yes’ at 2 ang hindi bumoto.

“Calls for nuclear energy become less credible if it comes with putting down renewable energy which should be the number one source of all countries considering the climate emergency,” ayon naman kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, na kasama sa 7 bumoto laban sa nasabing panukala.

Ang nasabing panukala ay isa sa mga kailangang batas para sa pagtatayo ng nuclear power plant sa bansa, kung saan sa APEC summit na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Amerika, pumasok ito sa isang kasunduan na dito magtatayo ng planta ang isang kumpanya na baguhan pa lamang sa industriya.

119

Related posts

Leave a Comment