LALONG nakukumbinsi ang House committee on good government and public accountability na kathang-isip lamang ang Mary Grace Piattos na kabilang sa mga recipient ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Zambales Rep. Jay Khonghun, mahigit isang linggo na mula nang ianunsiyo ng mga ito na magbibigay sila ng P1 milyon para sa makapagtuturo kung saan matatagpuan o sa pagkakakilanlan ni Mary Grace Piattos ngunit walang tumutugon.
“Hindi ba interesado si Mary Grace Piattos sa isang milyong pabuya kapalit ng kanyang paglantad?,” ani Khonghun sa press conference kahapon.
Isa si Mary Grace Piattos sa tanong ng mga kongresista kay OVP Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta subalit itinanggi nito na kilala niya si Piattos na recipient ng P25 million sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Gayunpaman, may alam umano itong mga “Piattos” sa Davao kaya inatasan ng komite ang Philippine Statistics Authority (PSA) na alamin kung may nakarehistrong mga Piattos sa Davao region.
Subalit, ayon kay Khonghun, lalong naniniwala ang mga ito na gawa-gawa lang ang Mary Grace Piattos dahil maging ang National Bureau of Investigation (NBI) ay wala pang natatanggap na report ukol sa pagkakakilanlan nito kahit may P1 milyong pabuya.
Duda rin umano ang komite kung totoong tao ang isa pa sa mga recipient ng confidential fund ng Bise Presidente na nagngangalang “Kokoy Villamin”. (BERNARD TAGUINOD)
55