MASAGANA 150/200 NI BBM PABOR LANG SA DAYUHAN

old farmer12

HINDI para sa mga Pilipinong magsasaka ang Masagana 150 at Masagana 200 na programa sa industriya ng palay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kundi sa mga dayuhang negosyante.

Ito ang tinuran ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo sa isang forum dahil walang inilaang pondo si Marcos na siya ring Secretary ng Department of Agriculture (DA) para sa kanilang programa.

“Yung Masagana 150 at Masagana 200, yung daw ang ipo-produce ng isang ektaryang palayan. Sa kasalukuyan, ang average yield ng isang ektaryang palayan ay 80 cavans per hectare. So kung paaabutin niya yun ng 150 para sa attainment ng ating food security ay kailangan niyang mag-invest,” ani Estavillo.

Gayunpaman, sa 2024 proposed budget aniya, walang inilaang pondo para sa kasiguraduhan ng pagkain ng mga Pinoy tulad ng ayuda sa mga magsasaka, mekanisasyon at iba pang makabagong pamamaraan sa pagsasaka.

Ipinaliwanag ni Estavillo na sa P197 billion na budget ng DA, P30 billion lamang gagamitin para sa rice program subalit sa nasabing halaga, P17 billion ay gagamitin sa farm to market road (FMR).

Wala aniya rito ang mga gagamitin para sa mga makabagong teknolohiya na kailangan ng mga magsasaka para mapataas ang kanilang ani.

“Kaya ang Masagana 150/200 ay iooffer niya sa mga dayuhan, sa mga investors, private investor at gagawin nya yung farm clustering, imemechanize daw yan, ididigitalize daw yan, talagang bubuhusan ng irrigation pero dahil wala naman dun sa kanyang budget ang pribado, ang foreign investors ang mamumuhunan,” ani Estavillo.

Nagbabala ang lider ng kababaihan magsasaka na lalong hindi makakamit ang food security kapag itinuloy ni Marcos ang plano nito na iasa sa mga dayuhang negosyante ang produksyon ng pagkain at makontrol ng mga ito ang malaking lupang sakahan sa bansa.

(BERNARD TAGUINOD)

148

Related posts

Leave a Comment