Masahista pumalag sa ‘extra service’ VICE MAYOR SA BATANGAS INIREKLAMO SA DOJ

NAGHAIN ng pormal na reklamo sa Department of Justice (DoJ) ang isang masahista laban kay Mataas na Kahoy, Batangas Vice-Mayor Jay Manalo dahil sa kahalayan umano habang nagpapamasahe ang opisyal sa kanyang bahay sa nasabing bayan.

Sa tulong ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang biktimang itinago sa pangalang Marites ay nagharap ng kasong ‘Act of Lasciviousness’ at ‘Grave Threat’ laban kay Manalo.

Isinampa ang kaso nitong nakalipas na Martes, April 26, sa National Prosecution Service (NPS) ng DOJ at ipinadala na rin ang kopya ng sumbong sa Office of the Provincial Prosecutor ng Batangas.

Sa sinumpaang salaysay ng biktima kay Police Senior Master Sergeant (PSMS) Carolina DT Santos ng Women and Children Protection Section ng Regional Investigation and Detective Management Division ng Police Regional Office (PRO) 4-A sa Camp Vicente Lim, sinabi ng 33-taong gulang na biktima, unang naganap ang pang-aabuso sa kanya noon pang June 2021 sa mismong silid ng bise-alkalde sa farm nito sa Santol Farm, ng nasabing bayan.

“Noong araw na iyon po ay na-refer po akong mag-home service kay Ilagan na akong ka-tropa na nagtatrabaho kay Vice-Mayor na sina Lot at Jojo. Pinapunta po ako ng nasabing araw sa farm ni Vice-Mayor mga 4:00 ng hapon ni Jojo upang mag-massage kay Vice-Mayor,” anang biktima.

Pagdating niya sa isang maliit na kubo, katabi ng bahay, ay dinatnan niya ang vice-mayor na nagpapagupit kung saan ay may isa ring lalaki na nagkakabit ng CCTV.

“Pagkatapos po noon ay sinabi niya na sa kwarto na po niya ituloy ang pagmasahe sa kanya sa 2nd floor. Ako po ay pinauna ni Vice-Mayor sa paglakad papasok sa kuwarto niya…..Pagkatapos po noon ay narinig ko na nilock niya ang pinto at nang kinukuha ko po ang lotion sa may lamesa, paglingon ko sa kanya ay nakapagtanggal na siya ng damit,” salaysay pa nito.

“Nagulat po ako, sabay hawak niya sa aking dibdib at tinutulak ako papunta sa kama hanggang ako po ay mapahiga. Diniinan ako ng isang braso sa leeg at tinaas niya ang t-shirt at bra ko po sabay pilit na hinahalikan ako at nilamas niya ng mahigpit ang aking dibdib at nang ako nagpumiglas ay hinatak niya ang kamay ko at pinapahawak ang ari niya,” sabi pa niya.
Nagpupumiglas umano siya, ngunit: “Binalaan niya ako na ‘wag nang manlaban at alam ko na daw ang kakayahan niya na kaya niya akong burahin at sirain ang buhay.”

Habang ginagawan ng kahalayan, sinabi ng biktima na nagsariling sikap umano ang suspect saka nagparaos sa sarili.

Ang pangyayaring ito ay sinabi niya sa isang kasambahay na nagngangalang Ate Annie. Sa labis na takot, hindi na siya nagpakita sa vice-mayor kahit na makailang ulit itong ipatawag para magpamasahe.

Enero 2022 ay nasalubong ng biktima ang driver ng vice-mayor sa isang mall at doon inulit na ipinapatawag ito ng suspect.

“Tapos noong 16 February 2022 po ay nakatanggap po ako sa messenger ng message kay Lot na magpunta sa bahay niya at magpapa-massage siya. Pumunta po ako at doon may kasunod po akong dumating na isa pang therapist. Bernadette po ang pangalan. Nagkataon lang po na dalawa daw kami pinatawag niya para kung sino mauna mag-reply,” wika pa niya.

Kinamusta umano silang dalawa, pati ang kanilang mga kamag-anak. Nag-alok umano ito ng tulong sa kanilang dalawa ng therapist na noon lamang niya nakilala,” dagdag pa nito.
Isinusulat ito’y wala pang sagot si Vice-Mayor Manalo hinggil sa mga paratang laban sa kanya.

327

Related posts

Leave a Comment