MATAGAL NA EPEKTO NG BAGYONG BETTY POSIBLE

NANATILING nasa Red Alert Status ang office of Civil Defense habang nakataas ang storm signal sa 12 probinsiya sa Hilagang Luzon matapos makapasok sa teritoryo ng Pilipinas ang super typhoon Betty nitong Linggo.

Pinangangambahan na magtatagal ang epekto ng bagyo dahil nag-stationary ito o lubhang bumagal habang papalapit sa Hilagang Luzon partikular sa bahagi ng Basco, Batanes.

Ayon kay Civil Defense Deputy Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesperson Raffy Alejandro, bunsod nito ay higit pang paiigtingin ng nasabing tanggapan ang kanilang pagbabantay sa galaw ng bagyo, kasabay ng kanilang disaster response.

Katuwang ang local government units, pinaghahanda ng OCD ang kanilang Regional Offices sa inaasahang magiging epekto ng pananalasa ng Bagyong Betty sa ilang bahagi ng bansa.

Nakalatag na rin ang kanilang mga plano at hakbang sakaling magkaroon ng emergency, habang nai-deploy at naka-stand by na rin ang kanilang rescue teams sa mga lugar na inaasahang dadaanan ng bagyo.
Nakapag-preposition na rin sila sa pangunguna ng DSWD at LGU’s ng kanilang relief goods na ipamamahagi sa mga pamilyang maaapektuhan nito.

2 siyudad sa MM binabantayan

Sa nakaambang pananalasa ng Bagyong Betty at epekto nito sa Hanging Habagat na maaaring magdala ng mga pag-ulan sa iba;t ibang bahagi ng bansa ay nagtaas ng alerto ang dalawang siyudad sa Metro Manila.
Itinaas ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang blue alert status bilang paghahanda sa posibleng epekto ng super typhoon Betty.
Sa paliwanag ni Manila Public Information Office Director Princess Abante, sa ilalim ng blue alert status, lahat ng kagamitan na kailangan sa mga operasyon ng pagsagip at iba pang disaster response ay inihanda na. Kaakibat nito ang direktibang mag-ulat sa sitwasyon na ibinibigay tuwing 6 na oras.
Sa Maynila, ang mga panganib sa panahon ng bagyo ay ang mga baha at storm surge sa mabababang lugar lalo na sa Baseco area, Isla Puting Bato, Parola compound, Barangay 105 at Barangay 128 — barangay malapit sa Manila Bay.
Ayon kay Rommel Allada, ang assistant communication officer ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), 24-oras na silang nag-ooperate at kanselado na ang rest days ng mga tauhan.
Ang DRRMO ay naghanda ng evacuation center partikular na ang Delpan Evacuation center, mga gymnasium at mga paaralan na kinilala rin bilang evacuation center.
Kasama rito ang mga rescue truck, flood control truck, transport truck, rubber boat at mga ambulansya at maging mobile kitchen truck.
“Sa nakikita niyo po nakahanda ang City of Manila sa paparating na bagyong Mawar o Betty, naka ready na po ang mga bangka natin, ang transport truck, rescue truck at food control truck natin para makatulong sa City of Manila,” ani Atty Princess Abante.
Samantala, sa siyudad ng Marikina, nagsimula ang paghahanda para sa super typhoon Betty nung Huwebes. Bukas na ang mga evacuation center. Naghanda na rin ng food packs at mineral waters ang local government unit sakaling ipatupad ang pre-emptive evacuation gamit ang mga naka-standby na rescue boats.
Nabatid na umaabot sa 20,000 residente ng Marikina ang nakararanas ng paglikas dahil sa pagbaha.

‘Betty’ bahagyang bumagal

Bumagal ang bagyong Betty habang lumalapit sa landmass ng bansa.
Huli itong namataan sa layong 715 kilometers, Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
At napanatili nito ang lakas na 175 kilometers per hour malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na aabot sa 215 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Nakataas ang Signal no.1 sa mga sumusunod na lugar:

• Batanes

• Cagayan kabilang ang Babuyan Islands

• Isabela

• Apayao

• Ilocos Norte

• Hilaga at gitnang bahagi ng Abra

• Kalinga

• Silangan at gitnang bahagi ng Mountain Province

• Silangan at gitnang bahagi ng Ifugao

• Hilaga at gitnang bahagi ng Aurora

• Quirino

• Hilagang-silangang bahagi ng Nueva Vizcaya

Posible naman itong umalis ng Philippine Area of Responsibility at tumungo ng karagatang sakop ng Taiwan sa darating na Biyernes.

Samantala, sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na wala pang stranded na pasahero sa mga pangunahing daungan ng bansa.

Ngunit pinaalalahanan ni Balilo ang mga biyahero na subaybayan ang lagay ng panahon lalo na ang mga bumibiyahe sa dagat, dahil agad na magkakabisa ang suspensyon ng mga biyahe sakaling tumaas ang signal ng bagyo.

Samanatala  kabila ng banta ng Super Typhoon Betty, tiniyak ngayon ng PAGASA-DOST na hindi magpapakawala ng tubig ang mga dam.

Ayon kay PAGASA-DOST Hydro Meteorological Division Chief Engineer Roy Badilla, nananatili pa rin na mababa ang lebel ng tubig sa mga dam at ang pagbubukas ng mga gates nito ay nakabatay sa rainfall forecast

Halimbawa aniya sa Magat Dam na posibleng madagdagan lamang ng 50 millimeters.
Sinabi pa ni  Badilla, kahit pa itaas sa Orange at Red rainfall warning sa ilang lugar sa bansa ngayong Lunes dahil sa epekto ng Southwest Monsoon at ng Bagyong Betty, inaasahan naman nila ang malalakas na pag-ulan sa Northern at Extreme Northern Luzon.

Nabatid pa na sa kasalukuyan, halos karamihan sa mga dam sa Luzon ay bumaba pa ang water level gaya ng naitala sa ilang dam sa Luzon kahapon ng  umaga.

Batay sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Hydrology Division, nasa 190.54 meters ang water level sa Angat Dam, mas mababa ng 0.27 meters sa 190.81 meters kahapon.

Habang bumaba rin ang lebel ng tubig sa mga dam ng San Roque, Magat at Caliraya.

Samantala, nadagdagan naman ang water level sa mga dam ng Ipo, La Mesa, Ambuklao, Binga, at Pantabangan. (JESSE KABEL RUIZ)

249

Related posts

Leave a Comment