NAUNGKAT ang dati nang kasong rape na isinampa laban kay Mataas na Kahoy, Batangas Vice-Mayor Jay Manalo Ilagan matapos itong ireklamo kamakailan dahil sa pananakot at pangmomolestiya umano sa isang masahista sa nasabing bayan.
Ayon sa impormasyon na inilabas ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), hindi na iba ang kasong may kinalaman sa pang-aabuso sa kababaihan laban sa bise alkalde dahil dati na itong kinasuhan ng panggagahasa sa isang 19-taong gulang na babae sa isang pension house sa Ormoc City noong 2013.
Gayunman, pinawalang sala ang bise alkalde ni Executive Judge James Clinton Nuevo ng Regional Trial Court Branch 12.
Sinabi ng VACC na bagaman acquitted ng hukuman sa kasong rape, mahalagang impormasyon pa rin ito hinggil naman sa kasong act of lasciviousness at grave threat na isinampa ng isang masahista kay Ilagan.
Ang 33-taong gulang na biktima ay pormal na naghain ng reklamo sa Department of Justice (DoJ), sa tulong na rin ng VACC at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Isinampa ang kaso nitong nakalipas na Martes, April 26, sa National Prosecution Service (NPS) ng DOJ kung saan ay ipinadala na rin ang kopya ng sumbong sa Office of the Provincial Prosecutor ng Batangas.
Sa sinumpaang salaysay ng biktima kay Police Senior Master Sergeant (PSMS) Carolina DT Santos ng Women and Children Protection Section ng Regional Investigation and Detective Management Division ng Police Regional Office (PRO) 4-A sa Camp Vicente Lim, sinabi ng biktima na unang naganap ang pang-aabuso sa kanya noon pang June 2021 sa mismong silid ng bise-alkalde sa sariling Santol Farm, sa nasabing bayan.
Sa pamamagitan ng kaibigang sina Lot at Jojo ay pinapunta siya sa farm ni Vice-Mayor para serbisyuhan ng masahe. Gayun na lang ang gulat ng biktima dahil pagpasok nila sa silid ng suspect ay kaagad umano nitong isinara ang pinto saka pilit na nilamas ang kanyang dibdib.
“Nagulat po ako, sabay hawak niya sa aking dibdib at tinutulak ako papunta sa kama hanggang ako po ay mapahiga. Diniinan ako ng isang braso sa leeg at tinaas niya ang T-shirt at bra ko po sabay pilit na hinahalikan ako at nilamas niya nang mahigpit ang aking dibdib at nang ako nagpumiglas ay hinatak niya ang kamay ko at pinapahawak ang ari niya,” sabi pa niya.
Nagpupumiglas umano siya, ngunit: “Binalaan niya ako na ‘wag nang manlaban at alam ko na daw ang kakayahan niya na kaya niya akong burahin at sirain ang buhay.”
Buwan ng Enero ng taong kasalukuyan ay muli siyang ipinatawag ng bise alkalde para muling magpamasahe. Sa labis na takot, hindi agad nakapagreklamo ang biktima hanggang magpasya na magpatulong na sa pulisya dahil sa posibleng panganib na kaharapin nito laban sa suspect.
Wala pang sagot dito ang inirereklamong bise alkalde.
196