MATAPOS ipag-utos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon, iniatras ng sikat na coffee chain Starbucks ang paglimita sa nakukuhang 20 porsyentong diskwento ng senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Sa pagdinig ng House committee on ways and means, inamin ni Angela Cole, ang operations director ng Starbucks Philippines, ang naging pagkakamali sa paglimita sa ibinibigay na diskwento at sinabi na agad umanong ipinatanggal ang maling signage na naipaskil sa mga outlet nito.
Nakasaad sa kontrobersyal na signage ng Starbucks na ang discount ay ibibigay lamang sa isang food item at isang inumin.
Ipinag-utos ni Speaker Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon matapos makatanggap ng ulat na hindi nasusunod ang pagbibigay ng discount sa mga PWD at senior citizen. Si Speaker Romualdez ang pangunahing may-akda ng batas na nagbibigay ng diskwento sa mga senior at PWD.
Isa sa mga reklamong natanggap nito ang paglimita ng Starbucks sa maaaring bigyan ng 20 porsyentong discount.
Sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na kung hindi pa nagpatawag ng imbestigasyon si Speaker Romualdez ay hindi babawiin ng Starbucks ang pagkakamali nito.
Nagpasalamat naman si Parañaque City Rep. Gus Tambunting kay Speaker Romualdez. “Salamat sa ating Speaker. Sana mabawas-bawasan na ang pang-aagrabyado sa ating mga senior citizen at PWD,” anito.
Tinukoy din ni Speaker Romualdez ang pagsasampa ng kaso ng Pasig Prosecutor’s Office laban sa dalawang opisyal ng isang hotel sa Pasig City na tumangging magbigay ng discount sa parokyanong senior citizen.
Upang makabawi sa kanilang pagkakamali, humirit naman ang chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda na magbigay ang Rustan’s Coffee Corp., ang local licensee ng Starbucks, ng buy-one-take-one sa mga senior citizen at PWDs gaya ng pagbibigay ng libreng inumin sa pagbili ng isang croissant.
“You violated the law. Saying sorry is not enough. We will consider initiating prosecution,” sabi ni Salceda kay Cole na sumagot naman na ipararating nito ang kanyang sinabi sa kanyang mga principal.
Ayon kay Salceda, nakatanggap din ito ng kaparehong reklamo laban sa isang bakeshop na nililimita umano ang 20-percent discount sa isang slice ng cake.
“We will look into this as well,” sabi ni Salceda.
Sa pagdinig ng komite, tinukoy ni Atty. Romulo Macalintal ang inirereklamong hotel.
“We are expecting arrest warrants to be issued today (Wednesday) against responsible hotel officers,” sabi ni Macalintal.
Ayon kay Salceda, ang 20 porsyentong discount ay dapat ibigay sa mga senior citizen at PWD maging promotional man ang kanilang presyo o hindi.
“The application of these laws should be universal,” sabi ni Salceda.
Dapat ay ibinibigay rin umano ang discount kahit na sa pagbili online, kasama ang mga airline tickets.
“I know that Philippine Airlines and Cebu Pacific have options on their websites for elderly passengers to avail themselves of the discount,” wika pa ni Salceda.
Sinabi naman ni Macalintal na dapat maibigay ang discount sa mga senior citizen kahit na ibinook ito online.
“The customer is not a party to whatever contract the booking site and the hotel have,” saad pa ng abogado.
Itinulak din ni Macalintal ang pagbabalik ng ibinibigay na discount sa mga senior citizen at PWD sa paggamit ng expressways at skyway.
Ayon kay Salceda, magrerekomenda ang komite ng mga remedial legislation at regulasyon upang maitama ang mga kalituhan sa pagpapatupad ng batas na nagbibigay ng discount sa mga senior citizen, PWDs at solo parents.
“The Speaker wants us to scrutinize compliance with these laws by business establishments and service providers and ensure their proper and effective implementation,” dagdag pa ni Salceda.
150