MEDIA, FREELANCE WORKERS PROTECTION APRUB SA KAMARA

LUMUSOT na sa committee level sa mababang kapulungan ng Kongreso ang mga panukalang batas na magbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa sa media at maging ang freelance workers.

Sa pagdinig ng House committee on labor na pinamumunuan ni Rizal Rep. Fidel Nograles, inaprubahan ang House Bill (HB) 454 at mga kahalintulad na panukala para sa proteksyon ng media workers.

“This bill seeks to ensure our media workers are granted humane conditions of work, living wage and comprehensive benefits packages at par with the current benefits enjoyed by the labor force both in government and the private sector,” ani ACT CIS party-list Rep. Jeffrey Soriano na may akda sa nasabing panukala.
Nakasaad sa panukala na kailangang bigyan ng sapat na sahod ang lahat ng manggagawa, pagtiyak sa security of tenure, hazard pay, insurance, disability at death benefits at iba pang kompensasyon.

Noong nakaraang Kongreso ay pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala na inakda ni dating ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran, subalit hindi naging batas dahil hindi ipinasa ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon.

Pinagtibay rin ng komite ang HB No. 615 o Freelance Workers Protection Act na inakda ni Pangasinan Rep. Christopher De Venecia.

Ayon kay De Venecia, tinatayang 800,000 ang freelance workers sa bansa na kinabibilangan ng actors, writers, singers, dancers, composers, directors na walang proteksyon sa mga kumpanya kung saan sila nagtatrabaho.

Sa sandaling maging ganap na batas, mabibigyan ang mga ito ng mga benepisyo na matagal nang ipinagkait sa kanila tulad ng night differentials, hazard pay at iba na nakatakda sa labor law.
Papatawan naman ng multang hanggang P500,000 ang hindi susunod na kumpanya. (BERNARD TAGUINOD)

5

Related posts

Leave a Comment