MEDIA PROTECTION APRUB NA SA KAMARA

NASA Senado na ang bola para magkaroon ng proteksyon ng mga kagawad ng media matapos itong pagtibayin sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa botong 252 pabor at walang tumutol, pinagtibay ang House Bill 454 o “Media Workers’ Welfare Act” subalit kailangan munang ipasa ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon bago ito maipatupad.

Noong nakaraang Kongreso, ipinasa rin ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala subalit hindi naging batas matapos mabigo ang Senado na ipasa ang kanilang hiwalay na panukala.

Dahil dito, umapela ang liderato ng Kamara sa Senado na pagtibayin ang kanilang hiwalay na bersyon upang magkaroon ng proteksyon ang mga mamamahayag.

“We regard the Fourth Estate as an essential partner in nation building and in protecting our democracy,” ani House Speaker Martin Romualdez na isa sa may akda sa nasabing panukala.

Base sa pinagtibay na panukala, bukod sa ‘security of tenure’ at makatarungang sahod, ay magkakaroon na rin ng financial support ang mga ito kapag nadisgrasya sa pagtupad sa kanilang trabaho.

Nakasaad sa panukala ang P200,000 na itinakdang death benefit, P200,000 disability benefit at P100,000 medical insurance bukod sa P500 hazard pay kada araw kapag nai-deploy ang mga ito sa delikadong lugar.

Karagdagang ito sa Social Security System (SSS), Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund at Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) at magkakaroon din ng News Media Tripartite Council na siyang mamamagitan sa employers at mga empleyadong hindi nagkakaunawaan sa benepisyo at karapatan sa paggawa. (BERNARD TAGUINOD)

27

Related posts

Leave a Comment