MGA DEBOTO KUNTENTO KAHIT WALANG TRASLACION

MASAYA ang mga deboto ng Itim na Nazareno na nakibahagi sa selebrasyon ng Pista ng Quiapo kahit walang traslacion.

Sa ikatlong taon, mula nang pandemya dulot ng COVID-19, itinuloy ang Misa Mayor sa Quirino Grandstand.

Pahayag ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula,  nalulungkot ang mga deboto dahil hindi pa rin naidaraos ang “Traslacion” na pangatlong taon ngayon ngunit ipinaalala niya na si Hesukristo ay palaging nasa buhay ng bawat Kristiyano.

“Ang Traslacion ay hindi lang taon-taon kundi araw-araw na karanasan sapagkat ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ang Siyang nagpuprusisyon sa atin. Kaisa natin Siya upang makapag-Traslacion patungo sa tagumpay ng kaganapan ng buhay,” pahayag ni Cardinal Advincula.

Ang Traslacion ay ginaganap bawat taon para alalahanin ang paglilipat ng imahen ng Itim na Nazareno mula Intramuros hanggang Quiapo Church noong 1767.

Dinadaluhan ito ng hanggang tatlong milyong deboto, ngunit nakansela noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.

Makaraan ang misa, pumila na ang mga deboto para sa “Pagpupugay” o paghawak sa bahagi ng imahe ng Nazareno, na siyang ipinalit muna sa “Pahalik”.

Nagkaroon din ng oras-oras na misa sa Quiapo Church kahapon hanggang alas-11:00 ng gabi na siyang panghuling misa.

Dahil sa limitadong espasyo sa simbahan, marami ang nagkasya na lamang na makinig sa mga speaker na nakalagay sa labas ng simbahan sa Plaza Miranda at sa LED screens.

Marami sa mga deboto ang nagdala ng kanilang replica ng Nazareno, mula sa pinakamaliit na kasya sa palad hanggang sa halos sinlaki na ng tao.

Sa pangkalahatan, payapa ang selebrasyon ng pista ng Nazareno ngayong taon.

Umabot sa 246,250 ang bilang ng mga debotong dumating sa Quiapo Church hanggang kahapon ng hapon.

Batay sa datos ng Quiapo Command Center, mula ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng hapon ay nasa 17,600 ang mga debotong dumalo sa misa.

Bahagya itong bumaba kumpara sa bilang ng naunang misa na nasa 25,400. (RENE CRISOSTOMO)

23

Related posts

Leave a Comment