IDINEKLARA ng militar ang matagumpay na pagbuwag sa mga larangang gerilya sa Zamboanga del Norte kasunod ng isinagawang quarterly meeting sa Cultural and Sports Complex sa Estaka, Dipolog City.
Ayon kay Brig. Gen. Leonel Nicolas, commander ng 102nd Infantry Brigade, matagumpay nilang nawasak ang lahat ng guerilla fronts sa Zamboanga del Norte.
Sinabi pa ni Brig. Gen. Nicolas, ang huling guerilla front na kumikilos sa lalawigan ay kanilang na-dismantle nito lamang buwang kasalukuyan.
“We have no more guerilla fronts or any entity in the province that is affecting our peace and security. The bulk of communist terrorist group (CTG) forces are with us now. We are currently preparing them for their reintegration into mainstream society. Psychosocial and livelihood assistance are given to all the former rebels who are currently situated at the halfway houses,” ani Brig. Gen. Nicolas.
Inihayag naman ni Zamboanga del Norte Governor Roberto Uy, bunsod ng nasabing deklarasyon ay maituturing ang kanilang lalawigan na isang ganap nang insurgency-free. Nabatid na base rin ito sa rekomendasyon ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC).
Pinapurihan naman ni Maj. Gen. Generoso Ponio, commander of Joint Task Force ZamPeLan, ang mga sundalo mula sa 102 Brigade sa kanilang accomplishment. “Zamboanga del Norte is now free from atrocities that hinder development,” ani MGen. Ponio.
“This proves that convergence is the key to peace and progress. Let us maintain our good relationship and sustain the peace in the communities,” pahayag ni Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., commander ng Western Mindanao Command.
Samantala, nasa 34 miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kabilang na ang anim na top leaders nito sa Western Visayas, ang na-neutralize na ng militar.
Ayon kay Capt. Kim Apitong, spokesperson ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, resulta ito ng mas pinaigting na Focused Military Operations (FMOs) ng Philippine Army sa first quarter ng taong ito.
Ayon kay Apitong, ilan sa top leaders na nahuli nila ay kinabibilangan nina Elmer Forro, leader ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Panay sa Sitio Bangko Barangay Lutac, Cabatuan, Iloilo na naaresto noong marso 29, 2022 at may kasong murder; Ramon Patriarca, alyas “Usting”, na tumatayong Secretary ng Komiteng Rehiyon-Negros na wanted sa ten counts ng murder at naaresto sa Brgy. Suay, Himamaylan, Negros Occidental.
Sinabi naman ni Apitong na sa 13 mga engkwentro ng militar laban sa
mga rebelde, hindi bababa sa walo ang mga napatay. (JESSE KABEL)
232