MGA NAMATAY SA COVID SA QUEZON ‘DI NA NA-CREMATE

0

TALIWAS sa atas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), inilibing na lamang sa isang mass grave ang mga namatay na pasyenteng tinamaan ng COVID-19, nito lamang nakaraang linggo.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng SAKSI, mismong si Gobernador Danilo Suarez ang umano’y nag-utos na agad ilibing ang bahagyang nabubulok nang mga bangkay sa Quezon Medical Center sa lungsod ng Lucena.

Una nang kumalat sa social media ang mga larawan ng mga bangkay ng pasyenteng namatay dahil sa COVID-19, na nakatambak lang sa pasilyo ng nasabing pagamutan.

Ayon kay Suarez, galing pa sa iba’t ibang lokalidad sa kanyang lalawigan ang mga residenteng pumanaw dahil sa COVID-19, kasabay ng pag-aming siya mismo ang nag-utos na ipunin muna ang mga bangkay dahil sa limitadong kapasidad ng nag-iisang crematorium sa kanilang lalawigan.

Bunsod ng patuloy na pagdami ng mga namamatay, nagpasya na lamang aniya ang pamahalaang panlalawigan na magpagawa ng mga ataul na gawa sa yero at agad na inilibing sa isang mass grave sa nasabing lalawigan.

Hindi naman tinukoy ng gobernador ang eksaktong lugar kung saan inihimlay ang mga pumanaw. Wala ring sinabi kung ilan talaga ang mga inilibing sa nasabing mass grave.

Sa ilalim ng ipinaiiral na polisiya ng IATF, kailangang i-cremate ang bangkay ng mga namatay bunsod ng nakahahawang sakit.

Ayon naman sa Department of Health – Calabarzon Regional Office, wala silang natatanggap na impormasyon hinggil sa mass burial na isinagawa ng pamahalaang lungsod ng Quezon.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment