MGA SENADOR GIGIL NA TALUPAN ANG ISYU SA OVERPRICED AT OUTDATED LAPTOP PARA SA MGA GURO

TODO ang panggigigil ng mga senador na imbestigahan ang isyu ng overpriced at outdated laptop na binili ng Department of Education sa pamamagitan ng Department of Budget and Management-Procurement Service.

Sa ngayon, dalawang resolusyon na ang nakahain sa Senado para hikayatin ang Senate Blue Ribbon Committee na busisiin ang kontrobersiya sa pagbili ng P2.4 bilyong halaga ng laptops na ipinamahagi sa mga guro.

Ang mga resolusyon ay inihain nina Senators Koko Pimentel at Alan Peter Cayetano na kapwa naggiit na kailangan na ng agarang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa iregularidad.

Bukod sa overpriced at outdated laptops, nais tutukan ni Cayetano sa kanyang isinusulong na pagsisiyasat ang siyam na buwang delay sa procurement ng laptops gayung sa ilalim ng Bayanihan 2 ay maituturing na ‘urgent’ ang procurement.

Samantala, binuhay ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panawagan na buwagin na ang PS-DBM dahil sa panibagong kontrobersiyang ito.

Iginiit ni Gatchalian na maituturing na matinding disservice sa mga guro ang procurement dahil mistulang inalis ang mga ito ng karapatan sa maasahang kagamitan.

Nababahala si Gatchalian na hindi nagamit ng tama ang pera ng taumbayan para sa mga gurong nagsisilbing frontliners sa pagpapatuloy ng edukasyon. (DANG SAMSON-GARCIA)

Related posts

Leave a Comment