Mga staff buking nagpapapirma ROMUALDEZ NADIIN SA ‘BRIBED INITIATIVES’

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISMONG si Senador Imee Marcos ay nagsabing hindi na kataka-takang maugnay ang pinsang si House Speaker Martin Romualdez sa tinaguriang “bribed intitiaves” o ang pangangalap ng lagda kapalit ng P100 o ayuda upang amyendahan ang 1987 Constitution.

Sa panayam kay Marcos nitong Linggo sa Super Radyo dzBB, sinabi nito na natuklasan na kasangkot ang staff ni Romualdez sa signature campaign kaya hindi nakapagtatakang ang lider ng Mababang Kapulungan ang nagsusulong ng “peoples’ initiatives.’

Aniya, kahit walang opisyal na pahayag mula kay Romualdez sa kanyang pagkakasangkot sa people’s initiative, konektado naman sa kanyang staff ang lahat ng pangalan at mobile numbers na nangangalap ng lagda.

“Ang problema, lahat ng staff, ‘yung mga pangalan na nagte-text sa mga tao, tapos ‘yung mga numbers ay mga staff ng speaker, so hindi mo masisisi ‘yung tao na siya ‘yung tinutumbok,” ani Marcos patungkol kay Romualdez.

Nauna nang sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na bawal ang ginagawang pangangalap ng lagda para sa peoples’ initiative na kanyang itinuring na “bribed intiatives” dahil kinukuha ang pirma kapalit ng P100 o ayuda kada tao.

Bago nagtapos ang taong 2023 ay inihayag ni Romualdez na isusulong ng Kongreso ang pag-amyenda sa konstitusyon ngayong taon.

Naghain naman ang Makabayan bloc congressmen ng resolusyon para imbestigahan ang Cha-cha signature campaign.

Interesado ang 3-man Makabayan bloc sa Kamara na imbestigahan ang umano’y panloloko at signature-buying makuha lamang ang 3% ng registered voters sa bawat lugar o probinsya.

“Ang dami na naming natatanggap na report tungkol sa panloloko sa pagpapapirma para sa pekeng people’s initiative daw para sa Charter change. Mula Tarlac, QC, Caloocan at Cavite ang ilan sa mga natanggap naming report. Ang ilan ay pinangakuan ng ayuda, at iba naman ay isinabay ang pagpapapirma sa gift giving noong kapaskuhan. May report din na pati mga PWD ay nililinlang para papirmahin sa Cha-cha,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

Graft sa magpapapirma

Samantala, nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) na posibleng maharap sa anti-graft at malversation charges ang mga taong nasa likod ng pagpapapirma sa Cha-cha kung gumamit ang mga ito ng pera mula sa kaban ng bayan.

Ito ang inihayag ni Comelec Chairman George Garcia kasabay ng paniniyak na maaaring mapawalang-bisa rin ang mga nakalap na lagda sa umano’y isinusulong na people’s initiative para sa Charter change kung mapatunayang may naganap na vote buying o panunuhol ng pera.

Layon ng pagpapapirma na amyendahan ang isang probisyon sa Konstitusyon na nag-uutos sa Kamara at Senado na bumoto nang hiwalay kapag nirebisa ang Saligang Batas.

Sa kaalaman ng publiko, ang taumbayan ang maaaring magmungkahi ng mga pagbabago sa 1987 Constitution sa bisa ng people’s initiative sa pamamagitan ng paghahain ng petisyon na nilagdaan ng hindi bababa sa 12 percent ng mahigit 67 million registered voters sa bansa.

(May dagdag na ulat si JULIET PACOT)

143

Related posts

Leave a Comment