MGA TSUPER, OPERATOR NA APEKTADO NG PUVMP TUTULUNGAN – DOLE

INIHAYAG ng Department of Labor and Employment (DOLE) na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na pagsamahin ang mga mapagkukunan para sa isang livelihood program para sa mga jeepney driver at operator na apektado ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.

Tinukoy ni Labor secretary Bienvenido Laguesma ang “enTSUPERneur” livelihood program, na magbibigay ng hindi bababa sa P30,000 halaga ng ‘in-kind livelihood assistance’ para sa mga apektadong transport workers.

“Mayroon din nga pong direktiba ang ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. na mag-converge ang mga departamento na mayroong resources na puwedeng pagsama-samahin at matulungan po ‘yung mga apektadong manggagawa,” saad ni Laguesma.
Sinabi ni Laguesma, mahigit 4,500 transport workers ang nabigyan ng ayuda na tinatayang umabot sa P123 milyon.

Ayon pa sa kalihim, 1,500 transport workers ang nakapila para maka-avail ng tulong ngayong taon.

Ang mga permit ng unconsolidated drivers at operators ay binawi noong Enero 1 dahil ang deadline ng consolidation deadline ng prangkisa ay lumipas na noong Disyembre 31, 2023.

Ang mga hindi bumuo o nag-consolidate sa isang kooperatiba o korporasyon sa ilalim ng PUV modernization program ay hindi papayagang dumaan sa kanilang mga ruta pagkatapos ng Enero 31, at ang kanilang mga sasakyan ay tatawaging “colorum” sa Pebrero.

(JOCELYN DOMENDEN)

68

Related posts

Leave a Comment