MISIS BINARIL NG ASAWANG PULIS SA PRESINTO

PATAY ang isang misis makaraang barilin ng kanyang asawang pulis sa loob ng himpilan ng pulisya sa Cebu City.

Sinampahan ng kasong pagpatay sa kanyang asawa si P/SSgt. Fernando Mata, 39, nakatalaga sa Naga City Police Station sa Cebu City.

Ayon sa ulat sa Kampo Crame ni PRO7 Director P/BGen. Jerry Bearis, dakong alas-2:40 ng hapon nang tadtarin ng bala ng kanyang isyung baril sa loob ng Women’s Protection Desk ni Mata, ang asawang si Heronia Denampo Mata, 39, kapwa nakatira sa Brgy. Tuyan, Naga City.

Nauna rito, naghain umano ng kasong panggugulpi ang ginang sa loob ng Women’s Protection Desk laban sa mister niyang pulis nang biglang pumasok si P/SSgt. Mata at pinagbabaril ang biktima bago ito madakip ng kapwa pulis.

Mabilis na isinugod sa ospital ang ginang ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.

Ayon sa pahayag ni P/BGen. Bearis, hindi niya kukunsintihin ang anomang domestic abuse ng sinoman sa kanyang mga tauhan.

Inatasan nito ang hepe ng Naga PNP na magsagawa ng agarang imbestigasyon at kasuhan ang suspek na lumabag sa batas.

Dagdag nito, sa ilalim ng kanyang pamumuno, hindi nito hahayaan na gumawa ng pang-aabuso ang sinoman sa kanyang mga pulis. Ang kailangan aniya ay pagkakaisa at tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa Central Visayas. (ENOCK ECHAGUE)

28

Related posts

Leave a Comment