CAVITE – Arestado ang isang miyembro ng Usman drug group at dalawang kasamahan nito sa isinagawang buy-bust operation sa Dasmariñas City noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang miyembro ng Usman drug group na si Jayron Dela Cruz y Cuarteros, alyas “Jojo Cordero”, 34, at kasamahan nito na sina Bolawan Abergos y Limjoco, 34, at Alvin Operio y Hatico, 23, pawang ng Dasmariñas City.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEU)-Cavite sa Brgy. H2, Dasmariñas City na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang anim na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 10 gramo at may street value na P69,000, at buy-bust money.
Bukod sa pagiging miyembro ng Usman drug group, si Dela Cruz ay nasa listahan ng high value individuals (HVIs) ng pulisya. (SIGFRED ADSUARA)
