MODERNIZED PUV SINUNOG SA QUEZON

QUEZON – Sinunog ng apat na hindi kilalang mga suspek ang isang minibus o modernized PUV, habang bumibiyahe sa bayan ng Catanauan, sa Bondoc Peninsula area sa lalawigan noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa report ng Catanauan Police, ang sinunog na modernized PUV ay pag-aari ng Gumaca Transport Service Cooperative.

Batay sa imbestigasyon, namamasada ang PUV minibus na minamaneho ng 36-anyos na si Carl Bayer Villanueva, mula sa bayan ng Gumaca patungo sa bayan ng Catanauan ngunit pagsapit sa national highway sakop ng Brgy. Dahican, Catanauan ay pinara ito ng apat na kalalakihang nakasuot ng bonnet at sumakay ang mga ito dakong alas-7:30 ng gabi.

Sa pag-aakalang mga pasahero, pinasakay ito ng driver subalit nang nasa loob na ay naglabas ang mga ito ng mga baril at pinatigil ang sasakyan.

Ayon umano sa isa sa mga lalaki, hindi ‘yun holdap, saka inutusan na bumaba at tumalikod na lamang ang mga sakay.

Nang makababa ang driver at konduktor, maging ang tatlong nalalabing mga pasahero, ay sinindihan ng mga suspek ang bus gamit ang gasera na siyang ikinatupok nito.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek matapos sunugin ang bus.

Ayon sa may-ari ng transport group, matagal na at maraming beses na umano silang tinatakot at pinagbabantaan ng mga grupo ng mga colorum driver at operator, mula nang lumahok sila sa franchise consolidation at PUV modernization program ng pamahalaan.

(NILOU DEL CARMEN)

50

Related posts

Leave a Comment