MODUS NG “ONION QUEEN” BINUKING SA KAMARA

MISTULANG nadiin ang tinaguriang “Onion Queen” na si Lilia ‘Leah’ Cruz sa hoarding ng sibuyas matapos ibuko ng lider ng isang kooperatiba ang kanyang modus operandi sa pagdinig ng House committee on agriculture and food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga kahapon.

Sa pagtatanong ni House Minority leader Marcelino Libanan, idinetalye ni Israel Reguyal, presidente ng Bonena Multipurpose Cooperative na nakabase sa Bongabon, Nueva Ecija, ang modus operandi ni Cruz para mag-angkat ng sibuyas kahit may sapat na supply.

“Eto po sasabihin ko na po ang nangyayari para magkaintindihan na tayo…..ang isang modus na mabigat dito ganito: pag panahon ng bilihan sa storage ang gagawin po niya bibilhin niya ang lahat ng laman ng nasa storage,” ani Reguyal.

“Ano pong dahilan bakit po niya binibili? Para po kasi, ang pagkakaintindi ko po.. kasi pag nabili niya ang sibuyas ng Kasamne, wala nang magrereklamo na….o papaano mag-iimport na tayo kasi wala nang sibuyas ang farmers kasi wala na pong kikibo eh kasi nga nabili na nga kami lahat eh,” dagdag pa ni Reguyal.

“Sino ang tinutukoy niyo na bumibili?,” tanong ni Libanan na sinagot naman ni Reguyal na  “Yan po si Leah Cruz”.

“Pag nabili na ang lahat ng sibuyas, eto po ang Department of Agriculture maglalabas na ng import permit, dun na po kami patay kaya ito pa ang napakabigat sa amin,” ayon pa kay Reguyal.
Nang tanungin ni Libanan kung sino ang kasabwat ni Cruz sa Department of Agriculture ay humingi ito ng executive session.

Hindi itinago ni Reguyal ang sama ng loob kay Cruz dahil ang negosyante umano ang dahilan kaya nawalan siya ng halos P30 million noong 2013 matapos hindi bayaran ang sibuyas na ipinadeliber ng negosyante sa iba’t ibang storage.

Habang isinusulat ito ay nasa executive session pa ang mga mambabatas kasama si Reguyal subalit walang nagsasalita kung ano ang mga isiniwalat ng presidente ng kooperatiba.
Samantala, lumalabas na hindi na itutuloy ng House committee on ways and means ang imbestigasyon sa mga smuggler ng sibuyas dahil hanggang ngayon ay hindi nagtakda ng panibagong hearing ang nasabing komite na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda.

Magugunita na sa komite ni Salceda unang tinalakay ang resolusyon ni Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing para ipatawag ang mga smuggler na kinabibilangan ng isang Michael Ma.
Si Ma, base sa rebelasyon ng kolumnistang si Mon Tulfo, ay pangulo ng China-Philippine Unified Enterprises (CPUE) at bise presidente nito ang kapatid ni First Lady Liza Araneta-Marcos na si Martin Araneta.

Gayunpaman, matapos ang rebelasyon ni Tulfo, hindi na itinuloy ng komite ni Salceda ang imbestigasyon at sa halip ay inatasan ni Speaker Martin Romualdez ang komite ni Rep. Enverga na imbestigahan ang hoarding, price manipulation at cartel ng sibuyas at bawang sa bansa na itinuturong dahilan kaya tumaas ang presyo nito ng hanggang P720 kada kilo noong Disyembre. (BERNARD TAGUINOD)

188

Related posts

Leave a Comment