MOST WANTED PERSON SA ISABELA, TIMBOG SA QC

INIHAYAG ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Antonio C. Yarra ang pagkakaaresto sa no. 8 regional level most wanted person ng Isabela PPO, sa isinagawang joint operation ng Galas Police Station (PS-11) at Cabagan Police Station, Isabela noong Huwebes sa Brgy. San Isidro, Galas, Quezon City.

Kinilala ni P/Lt. Col. Von June Nuyda, station commander ng PS-11, ang akusado na si Reymar Bada, 35-anyos, residente ng Brgy. Calingayan, Tumauini, Isabela.

Ang akusado ay naaresto dakong alas- 2:00 ng hapon noong Disyembre 2, 2021 sa Luzon Ave., Brgy. San Isidro, Galas, Quezon City.

Si Bada ay may nakabinbing warrant of arrest para sa kasong rape at frustrated murder na inisyu ni Judge Dennis Agustin Mendoza ng Branch 22, RTC, Cagayan, Isabela.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kasong rape, habang maaaring maglagak ng P2,000 halaga ng piyansa para sa kasong frustrated murder.

Si Bada ay agad na ibiniyahe pabalik sa Cabagan Police Station, Isabela para harapin ang kanyang kaso. (JOEL O. AMONGO)

2

Related posts

Leave a Comment